BEIJING, Tsina—Sa kanyang pakikipagtagpo kay John Kerry, dumadalaw na Kalihim ng Estado ng Amerika, inulit ni Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina ang paninindigan na buong-tatag na pangangalagaan ang pambansang soberanya.
Ipinahayag ni Wang na kaugnay ng isyu ng South China Sea (SCS), palagiang naninindigan ang Tsina na batay sa paggalang sa katotohanang pangkasaysayan at batay rin sa pandaigdig na batas, dapat lutasin ang isyung ito sa pamamagitan ng diyalogo sa pagitan ng mga may direktang kinalamang bansa. Ipinagdiinan niyang ito ang takdang patakaran ng Tsina at hindi ito magbabago. Binigyang-diin din niyang bilang signatoryong bansa ng United Nations Convention on the Law of the Sea. (UNCLOS), siryosohang tinutupad ng Tsina ang mga may kinalamang responsibilidad.
Idinagdag pa ni Wang na ang konstruksyon ng Tsina ng mga pasilidad sa mga isla at reef sa SCS ay nasa ilalim ng saklaw ng soberanya ng Tsina. Aniya pa, nakahanda ang Tsina na makipagdiyalogo sa mga bansa para mapasulong ang pag-uunawaan kung mayroon silang anumang nais linawin dito.
Sinabi rin ng ministrong panlabas Tsino na tungkol sa isyu ng SCS, may pagkakaiba at mayroon ding pagkakasundo ang Tsina at Amerika. Aniya pa, kapuwa nagsisikap ang dalawang bansa para mapangalagaan ang katatagan at kapayapaan ng SCS, ang kalayaan ng paglalayag batay sa pandaigdig na batas, at ang paglutas sa isyung ito sa pamamagitan ng diyalogo. Ipinagdiinan niyang normal lamang kung may pagkakaiba ang dalawang bansa, pero, kailangang mapigilan ang di-pagkakaunawaan.
Salin: Jade