Sa panahon ng paglahok sa magkasanib na pagsasanay militar ng Hapon at Pilipinas, lumipad kahapon sa himpapawid ng South China Sea ang isang P3C-Orion maritime surveillance aircraft ng Maritime Self-Defense Force ng Hapon. Ang ruta ng paglipad ay malapit sa Nansha Islands ng Tsina.
Ayon sa ulat ng panig Hapones at Pilipino, 14 na miyembro ng Maritime Self-Defense Force ng Hapon at 3 tauhan ng panig militar ng Pilipinas ang sumakay ng naturang P3C-Orion aircraft na lumipad mula sa Puerto Princesa, Palawan. Kasama rin nito ang isang maliit na maritime patrol aircraft ng panig Pilipino.
Kaugnay naman ng nabanggit na pagsasanay militar ng Hapon at Pilipinas, ipinahayag kamakailan ni Tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pag-asang gagawin ng mga may kinalamang bansa ang mga bagay na makakabuti sa kapayapaan at katatagan ng rehiyong ito, sa halip ng paglikha ng tensyon.
Salin: Liu Kai