Sa pakikipag-usap kahapon ng hapon sa Paris sa kanyang French counterpart na si Manuel Valls, binigyang diin ni Premyer Li Keqiang ng Tsina na nakahanda ang Tsina na magsikap, kasama ng Pransya para pataasin ang pragmatikong pagtutulungan ng dalawang bansa sa ibat-ibang larangan, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng inobasyon, win-win situation, pagpapatingkad ng mas malaking papel ng pinansya sa kaunlarang industriyal, at iba pa. Tinukoy ni Li na ang malusog na pag-unlad ng relasyong Sino-Pranses ay makakatulong sa pag-unlad ng relasyong Sino-Europeo. Umaasa aniya siyang gaganap ang Pransya ng positibong papel sa usaping ito.
Ipinahayag naman ni Manuel Valls na mabunga at malawak ang pragmatikong pagtutulungan ng Tsina at Pransya sa ibat-ibang larangan, at inaasahang pahihigpitin ang pagtutulungan ng dalawang panig sa usaping ito, lalo na sa enerhiyang nuklear, agrikultura, pagkain, pamumuhunan, kapaligirang ekolohikal, edukasyon, turismo, at iba pa. Aniya, pinasalamatan ng Pransya ang pagsisikap ng Tsina sa usapin ng pagbago ng klima at pagkatig sa UN Climate Change Conference sa Paris.
Pagkaraan ng pag-uusap, nilagdaan din ng dalawang panig ang mga katugong dokumento.