Ipinahayag ngayong araw ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina na may di-mapapabulaanang soberanya ang Tsina sa Nansha Islands na kinabibilangan ng Ren'ai Reef, at rehiyong pandagat sa paligid nito. Kaugnay ng pagsasagawa ng panig Pilipino ng pagsasaayos at pagpapatibay sa loob ng bapor na pandigma na ilegal na sumadsad sa Ren'ai Reef, nagpahayag ang panig Tsino ng matinding protesta at matatag na pagtutol dito.
Sinabi kamakalawa sa media ng opisyal ng hukbong pandagat ng Pilipinas na mula noong unang dako ng taong ito, sinimulan ng kanyang hukbo ang pagpapatibay sa bapor na pandigma na sumadsad sa Ren'ai Reef, at tinatayang matatapos ang pagkukumpuni nito sa katapusan ng taong ito. Ipinahayag naman ng tagapagsalita ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas na upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga tauhang Pilipino at paglalayag, ipinalalagay ng Pilipinas na pahihintulutan ang pagkukumpuni sa mga umiiral na pasilidad.
Tungkol dito, binigyang-diin ni Hua Chunying na matatag ang determinasyon ng panig Tsino sa pangangalaga sa teritoryo at soberanya ng bansa, at karapatan at kapakanang pandagat. Muling himinok aniya ng panig Tsino ang panig Pilipino na itigil ang lahat ng mga aktibidad na ilegal na lumalapastangan sa karapatan ng Tsina, at ipatupad ang pangako sa pagpapaalis ng naturang bapor na pandigma. Pinananatili ng panig Tsino ang karapatan sa pagsasagawa ng ibayo pang hakbangin, dagdag pa niya.
Salin: Vera