Ipinahayag ngayong araw ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina ang matinding pagkawalang-kasiyahan sa walang batayang pagbatikos ng panig Pilipino sa panig Tsino. Ipinahayag din niya ang malubhang pagkabalisa sa pagmamalaki ng kasalukuyang pamahalaan ng Pilipinas sa isyu ng SCS, at pag-udyok nito sa ostilong damdamin ng mga mamamayang Tsino at Pilipino.
Ayon sa ulat, magkakasamang ginawa kamakailan ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas, Tanggapan ng Impormasyon ng Palasyong Pampanguluhan at Kawanihan ng Impormasyon ng Pilipinas ang tatlong episode ng Tagalog na programang pinamagatang "Kalayaan." Ayon dito, "sinasakop ng panig Tsino ang teritoryo ng Pilipinas, at ninanakaw ang yaman ng Pilipinas."
Hinimok aniya ng panig Tsino ang kasalukuyang pamahalaan ng Pilipinas na itigil ang lahat ng mga di-responsableng pananalita at aksyon na nang-uupat sa ostilong damdamin ng mga mamamayan ng dalawang bansa, at bumalik sa tumpak na landas ng paglutas sa alitan, sa pamamagitan ng talastasan at pagsasanggunian. Umaasa aniya siyang magkasamang mapapangalagaan ng panig Pilipino at panig Tsino, ang tradisyonal na pagkakaibigan ng kanilang mga mamamayan, at kapayapaan at katatagan ng rehiyong ito.
Salin: Vera