Sa New York — Idinaos dito ang talakayan ng mga kinatawan ng overseas and ethnic Chinese sa Amerika bilang pagsalubong sa gaganaping pagdalaw ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Amerika. Ipinalalagay ng mga kalahok sa talakayan na ang naturang pagdalaw ay ibayo pang makakapagpalalim sa pagkakaibigan ng mga mamamayang Tsino at Amerikano, makakapagpalawak sa bilateral na kooperasyon, at makakapagpasulong sa malusog na pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano.
Ipinahayag ni Peter Koo, Mambabatas ng Lunsod ng New York, na malaki ang pagkokomplemento ng Tsina at Amerika. Ang pagpapalakas ng pagpapalagayan ng dalawang bansa sa mga larangang gaya ng kultura, komersyo, at edukasyon ay makakatulong sa ibayo pang pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano. Ang gaganaping pagdalaw ni Pangulong Xi sa Amerika ay makakapagpasulong sa relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa, dagdag pa niya.
Magkahiwalay na pinagtibay kamakailan ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Estado ng New York ang resolusyong pinamagatang "Pagpapasulong sa Kooperasyon sa Tsina, Welkam sa Pagdalaw ni Pangulong Xi Jinping sa Amerika." Inulit ng resolusyon na magkokonsentra ang Estado ng New York sa pagpapaunlad ng mas mahigpit na relasyon sa Tsina, at pagpapalakas ng koopersyon nila ng Tsina sa mga larangang gaya ng kabuhayan, kalakalan, edukasyon, kultura, turismo, at iba pa. Nagpahayag ang naturang resolusyon ng mainit na pagtanggap sa gaganaping dalaw-pang-estado ng pangulong Tsino sa Amerika, at ng pananalig na tiyak na magpasulong ito sa pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano.
Salin: Vera