Sa isang simposyum tungkol sa relasyong Sino-Amerikano na idinaos kahapon sa Beijing, ipinahayag ng mga eksperto sa relasyong Sino-Amerikano na ang gagawing biyahe ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Estados Unidos sa huling dako ng kasalukuyang buwan, ay "isang masusing pagdalaw sa masusing panahon" sa relasyon ng dalawang bansa. Ito anila ay nakakatulong sa pagpapatatag ng kinabukasan ng relasyong Sino-Amerikano.
Sinabi ni Ruan Zongze, Pangalawang Puno ng Instituto ng Pananaliksik sa Isyung Pandaigdig ng Tsina, na ang kasalukuyang relasyong Sino-Amerikano ay lampas na sa bilateral na relasyon, at mayroon itong katuturang pandaigdig. Aniya, ang matatag na pag-unlad ng relasyong ito ay hindi lamang nakakabuti sa mga mamamayan ng dalawang bansa, kundi nakakatulong sa kapayapaan, katatagan, at kaunlaran ng Asya-Pasipiko at buong daigdig.
Ipinalalagay din ni Da Wei, eksperto ng Instituto ng Pananaliksik sa Modernong Relasyong Pandaigdig ng Tsina, na ang nasabing biyahe ni Xi sa Amerika ay makakapagpalakas ng pagtitiwalaang Sino-Amerikano. Ito aniya ay makakapagbigay ng kabutihan sa kapwa panig.
Salin: Li Feng