|
||||||||
|
||
TINIYAK ni PNP Director General Ricardo Marquez na ipatutupad nila ang batas ng walang pangamba o pabor kaninoman. Sa isang panayam kaninang umaga, sinabi ng pinuno ng pulisya na hindi pinag-uusapan ang lahi, paniniwala o relihiyon sa gawain ng PNP. Papapanagutin ang sinumang nagkasala kahit pa tauhan ng pulisya na diumano'y sangkot sa pagdukot sa pinatalsik na ministro ng Iglesia ni Cristo na si Lowell Menorca II.
Binanggit ni Menorca kahapon na ang Sanggunian ng Iglesia ni Cristo ang nagnanais na mapatay siya matapos maakusahan ng pagbubunyag ng katiwalian at power struggle sa loob ng sekta.
Dinukot si Menorca noong Hulyo ng mga armadong kalalakihan sa Bulan, Sorsogon at nadetine sa Dasmarinas City Police station. Inakusahan niya ang isang dating hepe ng Quezon City police na namuno sa pagdukot sa kanya.
Nabalitang nakiusap si Director General Marquez sa Iglesia ni Cristo upang mahirang sa kanyang puesto. Nangako naman si G. Marquez na parurusahan ang mga pulis na mapapatunayang sangkot sa insidente. Araw-araw umano ang kanilang ginagawang paglilinis ng kanilang hanay.
Hihingan niya si Menorca ng patunay sa kanyang mga alegasyon. Ayon kay Atty. Trixie Cruz-Angeles, abogada ng pinatalsik na ministro na kikilalanin nila ang opisyal na sangkot sa hukuman.
Sa halip na patayin siya, naawa umano ang mga pulis at kinasuhan na lamang siya ng grave threat at illegal possession of explosives matapos umanong nanakot siyang magtatapon ng granada sa dalawang obrero sa Aguinaldo highway. Mga pulis umano ang nagtapon ng granada. Mula sa himpilan ng pulisya, dinala siya sa INC Central Temple complex sa Quezon City noong ika-25 ng Hulyo at nailigtas lamang ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation noong ika-21 ng Oktubre sa isang bahay sa Fairview, Quezon City.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |