Sa paanyaya ni Pangkalahatang Kalihim Nguyen Phu Trong ng Partido Komunista ng Biyetnam at Pangulong Truong Tan Sang ng bansang ito, mula ika-5 hanggang ika-6 ng Nobyembre 2015, isasagawa ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang dalaw-pang-estado sa Biyetnam. Sa paanyaya naman ni Pangulong Tony Tan Keng Yan ng Singapore, magsasagawa rin ng dalaw-pang-estado si Xi sa Singapore mula ika-6 hanggang ika-7 ng kasalukuyang buwan.
Sa isang news briefing na idinaos kamakailan ng Ministring Panlabas at International Liaison Department ng Partido Komunista ng Tsina, ipinahayag ng mga kinauukulang tauhan na ang mga naturang biyahe ay magiging pagdalaw na historikal sa proseso ng pag-unlad ng bilateral na relasyon ng Tsina sa Biyetnam at Singapore. Anila, ibayo pang mapapasulong ng mga pagdalaw ang pag-unlad ng relasyon ng Tsina at ASEAN.
Sa panahon ng kanyang pagpunta sa Biyetnam, magkakahiwalay na kakatagpuin at kakausapin ni Pangulong Xi sina Nguyen Phu Trong, Truong Tan Sang, at Punong Ministro Nguyen Tan Dung, para malalimang magpalitan ng kuru-kuro hinggil sa bilateral na relasyon, patakarang panloob at panlabas, at mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapuwa mahalaga sa bawat panig.
Sa panahon naman ng kanyang pagdalaw sa Singapore, magkahiwalay na kakatagpuin si Xi nina Pangulong Tony Tan Keng Yan at Punong Ministro Lee Hsien Loong ng Singapore. Dadalo rin siya sa mga aktibidad na gaya ng seremonya ng pagbubukas ng sentro ng kulturang Tsino.
Salin: Vera