Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Edukasyon, susi sa kaunlaran

(GMT+08:00) 2015-11-09 19:30:24       CRI

EDUKASYON, SUSI SA KAUNLARAN.  Ito ang ipinaliwanag ni Foreign Affairs Undersecretary Laura del Rosario na siyang pinuno ng Senior Officials Meeting ng APEC 2015 sa kanyang pagharap sa isang eksklusibong briefing sa mga mamamahayag na Tsino sa Pilipinas sa kanyang tanggapan.  (Melo M. Acuna)

NANINIWALA si Foreign Affairs Undersecretary Laura del Rosario na malaki ang papel ng edukasyon sa pag-unlad ng lipunan at ekonomiya. Siya ang namumuno sa APEC Senior Officials Meetings.

Sa isang briefing para sa mga mamamahayag mula sa Tsina, sinabi ni Bb. Del Rosario, na bagama't maraming hanapbuhay ang nawala dahilan sa pagpasok ng internet technology, marami rin ang nagkahanapbuhay dahilan sa makabagong kalakaran sa ekonomiya.

Inihalimbawa niya ang unti-unting pagsasara ng travel agencies sapagkat maaari nang makakuha ng ticket sa eroplano o barko sa pamamagitan ng internet. Kahit ang mga hotel ay hindi na umaasa sa travel agencies sapagkat mayroong nag-aalok ng serbisyong ganito sa pamamagitan ng internet.

Sa pagbabago ng teknolohiya, wala na halos gumagamit ng pelikula sa mga kamera, at hindi nagtagal ay nagkaroon ng digital cameras na nawala na rin sa pagpasok ng mga makabagong mobile phones. Kahit ang mga computer ay nagbago na rin.

Bahagi ng palatuntunan ng mga bansang kalahok sa Asia Pacific Economic Cooperation na magkaroon ng isang milyong mag-aaral sa paligid ng dagat Pasipiko.

Nagsisimula na umanong madama ang pagkawala ng hangganan ng mga bansa dahilan sa mga kasunduang nalalagdaan at nagaganap na rin ito sa larangan ng Edukasyon. May mga pamantasang nag-aalok ng iba't ibang aralin sa pamamagitan ng internet.

Niliwanag pa ni Bb. Del Rosario na kahit pa abala ang mga pamahalaang manatili sa mga paaralan ang mga kabataan, kung wala namang pagpapahalaga ang mga mag-aaral na matuto, tiyak na walang magaganap na anumang kaunlaran.

Mabilis umano ang mga pagbabagong nagaganap sa buong daigdig kaya't kailangang makilala ng mga mamamayan ang kahalagahan ng pag-aaral. Inihalimbawa niya ang kalagayan ng mga naglilingkod sa mga tahanan sa iba't ibang bansa na kinailangang matutong gumamit ng floor polisher, microwave oven, washing machines at ibang mga gamit sa tahanan. Ginawan ito ng palatuntunan ng pamahalaan bago nakapagpadala ng mga domestic workers sa iba't ibang bansa.

Sa katanungan kung ano ang mga programang kinilala at ipinagpatuloy ng Pilipinas mula sa pagtitipon ng APEC economies noong nakalipas na taon sa Beijing, sinabi ni Bb. Del Rosario na kabilang dito ang connectivity, urbanization at Free Trade Agreement of the Asia Pacifc (FTAAP).

Hindi lamang nakatuon ang APEC sa trade and investments kungdi ang pagkakaroon ng development agenda tulad ng pagtugon sa mga pangangailangan ng mga taong may kapansanan, na isa sa mga prayoridad ng Tsina. Pinag-usapan na rin ang pagkakaroon ng mga makabagong paraan ng pagtugonsa pangangalilangan ng mga mamamayan, tulad ng pagdidisenyo ng mga sasakyan para sa mga hirap lumakad.

Bilang reaksyon sa mga balitang magsasagawa ng mass actions bilang pagtuligsa sa APEC Summit meeting sa Maynila, sinabi ni Bb. Del Rosario na ang mga isyung kanilang dinadala ay pinakikinggan. Ang problema nga lamang ay 'di madaling malutas ang mga problemang kinakaharap ng rehiyon. Mahaba-habang panahon ang kailangan sapagkat kailangang maisama sa polisiya ng APEC ang mga isyung ito na mangangailangan ng pagpapasa ng mga kaukulang batas sa iba't ibang pamahalaan.

Nararapat ding alamin ang kakayahan ng mga bansang matugunan ang pangangailangan ng iba't ibang lipunan. Nararapat ding pakinggan ang mga nais ihayag ng mga kontra sa APEC. Bakit umano mayroong sampung bansang interesadong lumahok sa APEC kung masama ang samahang ito.

Sa Pilipinas, pinahahalagahan naman ang papel ng kababaihan sa larangan ng ekonomiya.

Nagiging tradisyon na sa APEC ang pagkakaroon ng troika, ang pagsasama ng mga pinuno ng bansa tulad ng punong-abala noong nakalipas na taon, ang chairman ng kasalukuyang pagtitipon at ang hahalili sa susunod na taon. Ani Bb. Del Rosario, magkakaroon ng mga pag-uusap at pagsasama-sama sina Pangulong Xi Jinping, Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III at ang magiging punong-abala sa susunod na taon, ang pangulo ng Peru.

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>