Sa kauna-unahang briefing sa International Media Center, sinabi ni Ambassador Marciano A. Paynor, Jr., Director General ng APEC 2015 National Organizing Council, na nakikinabang ang Pilipinas sa pagiging punong-abala sa APEC tulad noong 1996.
Ipinaliwanag ni Ambassador Paynor na 8% ang kada taong paglago ng kalakalan ng Pilipinas sa iba pang mga miyembro simula noong 1989 hanggang sa kasalukuyan kahit pa nagkaroon ng mga krisis na pinansyal noong 1998 at 2007.
Ayon sa pinakahuling datos, noong 2013, mahigit 80% ng Philippine trade ay mula sa mga miyembro ng APEC, na nagkakahalaga ng mahigit 96 na bilyong dolyares.
Kabilang dito, umabot sa $47.63 bilyong dolyares ang pagluluwas ng Pilpinas na katumbas ng 84% ng kabuuang pagluluwas ng bansa sa buong daigdig. Samantala, ang pag-aangkat naman ay nagkakahalaga ng $48.47 bilyong dolyares o 77.7 % ng kabuuang pag-aangkat ng bansa.
Tagapag-ulat: Melo
Tagapag-edit: Jade
Tagapagpulido: Rhio