|
||||||||
|
||
NAKIKIRAMAY ang Pamahalaan ng Pilipinas at mga mamamayan nito sa mga naging biktima ng kaharasan sa Lungsod ng Paris sa Pransiya kaninang madaling araw, oras sa Pilipinas.
Sa isang pahayag, sinabi ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na pagkagimbal ang naranasan ng mga mamamayan kasabay ng pagdadalamhati. Nakikiisa ang Pilipinas at mga mamamayan nito sa bansang Pransiya at mga Pranses na naging biktima ng walang katuturang karahasan.
Ang pagkasawi ng higit sa 100 katao sa pananalakay sa Bataclan Concert Hall, sa may Stade de France at sa mga kainan sa lungsod ay karahasang nangangailangan ng nagkakaisang tinig ng mga bansa sa daigdig sa pagkondena at pagluluksa.
Sa oras ng pangangailangan ng Pilipinas, nakiisa ang mga Pranses sa mga Pilipino nang hagupitin ng bagyong "Yolanda" Ngayon, nakikiisa ang mga Pilipino sa paniniwalang hindi kailanman nararapat maghari ang kadiliman sa Paris.
Idinagdag pa ni Pangulong Aquino na may ibayong pag-iingat ang pamahalaan at nakataas na ang alert sa buong kapulisan at mga security forces na nagsusuri ng situwasyon. Kailangang magtulungan at maging mapagbantay ang mga mamamayan.
Naglabas na rin ang Department of Foreign Affairs ng updates sa nagaganap sa Paris at naatasan nang tumulong sa lahat ng mga Pilipino na nasa Pransiya.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |