Ayon sa Xinhua News Agency, sa kanyang pakikipagtagpo noong Martes, Enero 5, 2016, kay Ministrong Panlabas Philip Hammond ng Britanya, ipinahayag ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina na noong Oktubre ng 2015, isinagawa ni Pangulong Xi Jinping ang matagumpay na dalaw-pang-estado sa Britanya. Itinaas aniya ang relasyon ng dalawang bansa sa bagong lebel na "Komprehensibong Estratehikong Partnership sa Harap ng Ika-21 Siglo," at pumasok ang relasyong ito sa bagong yugtong historikal na "Golden Age."
Idinagdag pa ni Wang na dapat isakatuparan ng dalawang panig ang natamong bunga ng nasabing biyahe ni Xi sa Britanya, at dapat ding samantalahin ang pagkakataon ng pagpapataas ng lebel ng relasyong Sino-Britaniko para mapasulong ang pagtatamo ng mga bagong progreso sa mga aspektong gaya ng pagtitiwalaang pulitikal, pag-uugnayan ng estratehiya, pragmatikong kooperasyon, pagpapalitang pangkultura, at kooperasyong pandaigdig ng dalawang bansa.
Ipinahayag naman ni Hammond na ang kanyang biyahe sa Tsina ay naglalayong isakatuparan kasama ng panig Tsino, ang mga mahalagang komong palagay na narating ng mga lider ng dalawang bansa noong panahon ng pagdalaw ng Pangulong Tsino sa kanyang bansa, at palalimin ang komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa. Aniya, nakahanda ang Britanya na pasulungin kasama ng panig Tsino, ang kanilang pragmatikong kooperasyon sa mga larangang gaya ng imprastruktura, enerhiyang nuklear, at pinansya.
Salin: Li Feng