Pinakli kahapon, Martes, ika-26 ng Hulyo 2016, ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, ang panibagong pahayag na ipinalabas ng Amerika, Hapon, at Australya, hinggil sa isyu ng South China Sea. Ani Wang, ang pahayag na ito ay nagpapaigting sa isyung ito.
Sinabi ni Wang, na sa isang magkasanib na pahayag na ipinalabas kamakailan ng mga ministrong panlabas ng Tsina at sampung bansang ASEAN, buong pagkakaisang ipinahayag ng iba't ibang panig ang pagtalima sa Declaration on the Conduct of the Parties in the South China Sea (DOC) bilang isang tuntuning panrehiyon, at ipinangako rin nila ang pagbalik sa paglutas ng hidwaan sa pamamagitan ng pagsasanggunian ng mga direktang may-kinalamang panig. Ito aniya ay positibong signal na ipinalabas ng Tsina at mga bansang ASEAN, hinggil sa magkakasamang pangangalaga sa kapayapaan at katatagan sa South China Sea.
Dagdag ni Wang, ipinakikita ng pahayag ng Tsina at mga bansang ASEAN ang pag-asa ng mga bansa sa rehiyong ito para sa pagpapahupa ng kalagayan sa South China Sea, at kanilang posisyon ng hindi pagpanig pagdating sa arbitrasyon. Sa kabila aniya, ang pahayag ng Amerika, Hapon, at Australya ay taliwas sa pagsisikap ng mga bansa sa rehiyong ito para sa pangangalaga sa katatagan sa South China Sea, hangarin ng mga mamamayan sa rehiyong ito para sa pagpapahupa ng kalagayan, at konstruktibong papel na dapat patingkarin ng mga bansa sa labas ng rehiyong ito.
Salin: Liu Kai