Ayon sa China News Service, binuksan sa Vientiane, Laos, nitong Linggo, Hulyo 24, 2016, ang Ika-49 na Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Sa panahon ng pulong, magkakasunod na nakipagtagpo si Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina sa kanyang mga counterpart mula sa mga bansang ASEAN para makipagpalitan ng kuru-kuro tungkol sa bilateral na relasyon, at mga isyung kapwa nila pinahahalagahan, na gaya ng isyu ng South China Sea.
Ayon sa isang opisyal na kasama sa delegasyon ni Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina, makikita sa serye ng mga bilateral na pagtatagpo, ang isang napakalinaw na impormasyon: ang isyu ng South China Sea ay isyu sa pagitan ng Tsina at kinauukulang bansang ASEAN, at hindi ito isyu sa pagitan ng Tsina at ASEAN. Anang opisyal, sa isyu ng arbitrasyong inihain ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III laban sa Tsina, walang pinapanigan ang ASEAN.
Dagdag pa niya, di-inaasahan ng mga bansang ASEAN na maaapektuhan ng isyu ng South China Sea ang relasyong pangkaibigan at pangkooperasyon sa pagitan ng Tsina at ASEAN. Kinakatigan ng maraming bansang ASEAN ang paglutas sa nasabing isyu sa pamamagitan ng bilateral na diyalogo at pagsasanggunian, aniya pa.
Salin: Li Feng