Nakipag-usap kahapon, Biyernes, ika-17 ng Marso 2017, sa Davao City, si Pangalawang Premyer Wang Yang ng Tsina, sa economic management team ng gabinete ng Pilipinas, na pinamumunuan ni Finance Secretary Carlos Dominguez. Nilagdaan din ng dalawang panig ang mga dokumentong pangkooperasyon, na kinabibilangan ng plano hinggil sa pagpapaunlad ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Pilipinas sa loob ng darating na 6 na taon.
Ipinahayag ni Wang, na pagkaraang dumalaw sa Tsina si Pangulong Rodrigo Duterte noong Oktubre ng nagdaang taon, komprehensibong napanumbalik ang mga kooperasyon ng dalawang bansa. Halimbawa aniya, dinaragdagan ng mga bahay-kalakal na Tsino ang pamumuhunan sa Pilipinas, naglalakbay ang parami nang paraming turistang Tsino sa Pilipinas, at mabilis na lumalaki ang bolyum ng mga prutas ng Pilipinas na inaangkat ng Tsina. Sinabi ni Wang, na palalawakin ng Tsina ang bilateral na kalakalan nila ng Pilipinas, daragdagan ang pamumuhunan sa Pilipinas, at palalakasin ang kanilang kooperasyon sa kabuhayan, kalakalan, pamumuhunan, konstruksyon ng imprastruktura, agrikultura, pangingisda, turismo, at iba pa. Dagdag niya, tinatanggap ng Tsina ang paglahok ng Pilipinas sa "Belt and Road" initiative.
Ipinahayag naman ng mga opisyal na Pilipino, na nitong ilang buwang nakalipas, natamo ng Pilipinas at Tsina ang mga positibong progreso sa kanilang pragmatikong kooperasyon. Anila, ang pagkakaroon ng nabanggit na mga dokumentong pangkooperasyon ay mahalaga para sa kooperasyon ng dalawang bansa sa susunod na yugto.
Tinalakay din ng dalawang panig ang hinggil sa magkasamang pagpapalakas ng relasyon at kooperasyon ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), at pagpapasulong sa mga usapin ng integrasyong pangkabuhayan sa loob ng balangkas ng ASEAN.
Salin: Liu Kai