ISANG Filipino ang nasawi sa wildfire o 'di maapulang sunog sa Northern California. Ito ang ibinalita ng Philippine Consulate General sa San Francisco.
Sa ulat na ipinadala sa Department of Foreign Affairs, sinabi ng konsulado na nabawi na ang labi ng biktima sa Napa county. Hindi pa nakikilala ang labi.
Nakiramay na rin si Foreign Secretary Cayetano sa mga naulila. Nag-alok na rin ng tulong ang konsulada kabilang na ang pagbabalik sa Pilipinas ng mga labi.
May 16 na 'di maapulang apoy na ikinasawi na ng may 40 katao at nakapinsala ng higit sa 86,000 ektarya. Nailikas na rin ang may 100,000 mamamayan at higit sa 10,000 mga kawani ng pamatay-sunog ang nagtatangkang mapigil ang apoy. Umabot na sa 5,700 mga gusali at tahanan ang napinsala. Mayroong 13,500 mga Filipino ang naninirahan sa mga pook ng Napa, Sonoma at Yuba na apektado ng sunog.
May 4,200 mga Filipino ang naninirahan sa Lake, marin at Mendocino na apektado na rin ng wildfire.