Bangkok, Thailand-Dumating dito Oktubre 16, 2017 ng gabi ang komboy ng "Biyaheng Pangkultura ng Lancang-Mekong River."
Dumalo sa seremonya ng pagsalubong sina Thanasak Patimaprakorn, Pangalawang Punong Ministro ng Thailand, at Lv Jian, Embahador ng Tsina sa Thailand.
Ang nasabing komboy ay binubuo ng 13 sasakyan, at 40 miyembrong kinabibilangan ng mga mamamahayag ng Tsina at Thailand.
Noong Setyembre 24, 2017, nagsimula sila ng biyahe mula Ningbo, lalawigang Zhejiang, Tsina. Dumaan sila sa magkakasunod na limang lalawigan sa loob ng Tsina, na kinabibilangan ng Zhejiang, Fujian, Guangdong, Guangxi, at Yunnan. Pagkatapos ay magsasadya sila sa Thailand, Kambodya at Laos. Hangad ng biyaheng ito ang makulay na promosyong pangkultura at panturismo.
Sa kanyang talumpati sa seremonyang panalubong, ipinahahag ni Embahador Lv Jian ng Tsina, na nagkokomplemento at nagiging malawak ang pagtutulungan ng Tsina at Thailand sa kooperasyong panturismo. Nananalig aniya siyang ibayong mapapasulong at mapapalawak sa biyaheng ito ang pagpapalitan at pagtutulungan sa pagitan ng mga mamamayang Tsino at Thai, lalo na sa larangang panturismo.
Ipinahayag naman ni Pangalawang PM Thanasak Patimaprakorn ang kagalakan sa pagsalubong sa komboy. Ipinalalagay niyang kikilalanin ng mga mamamayang Tsino ang kultura at kaugalian ng mga maliliit na lunsod ng Thailand, sa pamamagitan ng biyaheng ito. Ito aniya'y makakatulong sa pinalawak na pagpapalitang pangkultura ng mga mamamayan ng dalawang bansa.