|
||||||||
|
||
Sinang-ayunan ng Tsina, Pakistan, at Afghanistan na pag-aaralan ang pagpapahaba sa China-Pakistan Economic Corridor sa Afghanistan. Ito ay sinabi kahapon, Martes, ika-26 ng Disyembre 2017, sa Beijing, ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, sa preskon makaraan ang unang pulong ng mga ministrong panlabas ng naturang tatlong bansa.
Sa ilalim ng Belt and Road Initiative, ang China-Pakistan Economic Corridor ay malaking proyekto ng mga haywey, daambakal, tubo ng langis at natural gas, at optical cable sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon kay Wang, nitong mahigit 4 na taon sapul nang isagawa ang proyekto, nagpapatingkad ito ng mahalagang papel para sa pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayang Pakistani, at pagpapasulong sa konstruksyon ng imprastruktura sa lokalidad. Ito rin aniya ay nagdudulot ng pagkakataon para sa rehiyonal na interkonektibidad.
Ipinahayag din ni Wang, na bilang mahalagang kapitbansa ng kapwa Tsina at Pakistan, ipinakita ng Afghanistan ang mataimtim na hangarin sa pagpapaunlad ng kabuhayan at pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan, at nakahanda rin itong lumahok sa usapin ng rehiyonal na interkonektibidad.
Dagdag ni Wang, ang China-Pakistan Economic Corridor ay hindi nakatuon sa ikatlong panig, samantala, umaasa ang Tsina, na magdudulot ito ng benepisyo sa ikatlong panig at maging sa buong rehiyon. Aniya pa, ang proyektong ito ay walang kinalaman sa mga umiiral na hidwaan sa rehiyong ito, na kinabibilangan ng hidwaan sa teritoryo.
Salin: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |