Nagtagpo kahapon, Sabado, ika-24 ng Hunyo 2017, sa Kabul, Afghanistan, sina Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, at Pangulong Ashraf Ghani ng Afghanistan.
Sinabi ni Ghani, na ang Tsina ay mahalagang katuwang ng Afghanistan para sa pangangalaga ng kapayapaan, katiwasayan, at kasaganaan. Ipinahayag niya ang kahandaan ng kanyang bansa, na mas aktibong lumahok sa mga usapin ng "Belt and Road" Initiative, at China-Pakistan Economic Corridor. Patuloy aniyang magbibigay-dagok ang Afghanistan sa teroristikong organisasyong "East Turkistan Islamic Movement," para pangalagaan ang katiwasayan ng kapwa Afghanistan at Tsina.
Binigyang-diin din ni Ghani ang pagsisikap ng kanyang pamahalaan, para sa pambansang rekonsilyasyon, at pagpapabuti ng relasyon sa Pakistan.
Ipinangako naman ni Wang ang patuloy na pagbibigay-tulong ng Tsina sa pambansang rekonsilyasyon at pagpapaunlad ng kabuhayan ng Afghanistan. Nakahanda aniya ang Tsina, kasama ng Afghanistan, na palawakin ang kooperasyon sa ilalim ng "Belt and Road" Initiative.
Sinabi rin ni Wang, na bilang kaibigan ng kapwa Afghanistan at Pakistan, kinakatigan ng Tsina ang pagpapabuti ng relasyon ng dalawang bansa. Umaasa aniya ang Tsina, na bubuuin ng Afghanistan at Pakistan ang mekanismo ng pag-iwas at pagkontrol sa krisis, para maayos na hawakan ang iba't ibang biglaang pangyayari sa pagitan ng dalawang bansa.
Salin: Liu Kai