Sa regular na preskon sa Beijing Huwebes, Marso 1, 2018, ipinahayag ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na palagiang kinakatigan ng panig Tsino ang pagpapasulong ng Afghanistan sa proseso ng inklusibong rekonsilyasyong pulitikal sa Afghanistan, sa pamumuno at sariling inisyatiba ng mga Afghani. Umaasa aniya siyang magkasamang magsisikap ang iba't ibang paksyon ng Afghanistan, para maisakatuparan ang pangmatagalang kapayapaan, katatagan at kaunlaran sa lalong madaling panahon.
Ayon sa ulat, ipinahayag kamakailan ni Pangulong Ashraf Ghani ng nasabing bansa na walang alinmang karagdagang pasubali ang kasunduang iniharap ng kanyang pamahalaan sa Taliban, na kinabibilangan ng tigil-putukan, pagpapalaya sa mga bihag, pagdaraos ng bagong halalang kinabibilangan ng mga personahe ng Taliban, at muling pagsusuri sa konstitusyon. Layon ng nasabing kasunduan na pasulungin ang pakikisangkot ng Taliban sa prosesong pangkapayapaan ng bansa bilang lehitimong organisasyong pulitikal, dagdag pa niya.
Kaugnay nito, ipinahayag ni Hua na hinahangaan ng panig Tsino ang ginagawang pagsisikap ni Pangulong Ghani para sa pagsasakatuparan ng rekonsilyasyon sa loob ng bansa. Nakahanda aniyang patuloy na ipagkaloob ng panig Tsino ang tulong sa abot ng makakaya para sa proseso ng rekonsilyasyon at rekonstruksyon ng kapayapaan ng Afghansitan.
Salin: Vera