Sa seremonya ng pagpipinid ng 2018 China-ASEAN Mayors' Forum, na idinaos kahapon, sa Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi, Tsina, nilagdaan ang ilang dokumentong kinabibilangan ng kasunduang pangkooperasyon ng Samahan ng mga Alkalde ng Guangxi at Liga ng mga Lunsod ng Pilipinas.
Sinabi ni Edgardo Pamintuan, National President ng Liga ng mga Lunsod ng Pilipinas, na umaasa siyang, sa pamamagitan ng kasunduang ito, palalalimin ang pagpapalitan ng mga lunsod ng Pilipinas at Tsina hinggil sa karanasan sa pagpapaunlad at pangangasiwa ng lunsod, at pasusulungin ang mga konkretong proyektong pangkooperasyon ng dalawang panig.
Sinabi naman ni Song Jidong, Executive Director ng Samahan ng mga Alkalde ng Guangxi, na ang naturang kasunduan ay magpapasulong sa kooperasyon ng mga lunsod ng dalawang bansa sa konstruksyon ng imprastruktura, turismo, pagpaplano ng lunsod, at iba pang aspekto.
Salin: Liu Kai