Sa ilang pahayagan ng Singapore na kinabibilangan ng Lianhe Zaobao, inilabas ngayong araw, Lunes, ika-12 ng Nobyembre 2018, ni Premyer Li Keqiang ng Tsina, ang artikulo kaugnay ng kanyang gagawing pagdalaw sa naturang bansa.
Sinabi ni Li, na sa kasalukuyan, mahigpit ang pagpapalagayan ng Tsina at Singapore, at matatag na sumusulong ang kanilang kooperasyon sa iba't ibang aspekto. Umaasa aniya siyang, sa pamamagitan ng pagdalaw na ito, ibayo pang mapapasulong ang kooperasyon ng dalawang bansa, sa ilalim ng kanilang partnership of all-round cooperation.
Ani Li, sa proseso ng reporma at pagbubukas sa labas ng Tsina, natamo ng pragmatikong kooperasyong Sino-Singaporean ang malalaking bunga. Ipinahayag niya ang pag-asang, sasamantalahin ng Singapore ang mga pagkakataong dulot ng bagong round ng reporma at pagbubukas sa labas ng Tsina, para pataasin ang lebel ng kooperasyon ng dalawang bansa, sa pamamagitan ng mas mahigpit na pag-uugnayan ng Belt and Road Initiative ng Tsina at estratehiyang pangkaunlaran ng Singapore.
Pinasalamatan din ni Li ang Singapore sa positibong papel nito bilang bansang tagapagkoordina ng relasyong Sino-ASEAN nitong nakalipas na 3 taon. Nakahanda aniya ang Tsina, na magsikap kasama ng Singapore, para makalikha ng mas magandang kinabukasan sa relasyon at kooperasyon ng Tsina at ASEAN.
Salin: Liu Kai