Sa paanyaya ni Lee Hsien Loong, Punong Ministro ng Singapore, dadalaw si Premiyer Li Keqiang ng Tsina sa Singapore sa ika-12 hanggang ika-16 ng Nobyembre, at dadalo siya sa Ika-21 China-ASEAN (10+1) Summit, Ika-21 ASEAN at Tsina, Hapon at Timog Korea (10+3) Summit at Ika-13 East Asia Summit (EAS). Ipinahayag Nobyembre 8, 2018 ng Ministring Panlabas ng Tsina na ito ay mahalagang diplomatikong aksyon ng Tsina sa mga kapitbansa.
Ang Singapore ay bansang tagapangulo ng ASEAN sa taong ito. Sinabi ni Chen Xiaodong, Asistenteng Ministrong Panlabas ng Tsina, na ang taong ito ay ika-40 anibersaryo ng pagsasagawa ng reporma at pagbubukas sa labas ng Tsina, laging aktibong lumalahok ang Singapore sa pagpapaunlad ng Tsina, at ang pagdalaw ni Premiyer Li ay may espesyal na katuturan. Aniya, sa panahon ng pagdalaw, isusulong ng mga lider ang ibayo pang kooperasyon sa Belt and Road Initiative, inobasyon at iba pa, at magpapalitan din sila hinggil sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig at mekanismo ng multilateral na kalakalan.
Ipinahayag ni Chen na ilalahad ng Premyer Tsino sa pulong ang patakaran ng Tsina sa pagpapasulong ng kooperasyon ng Silangang Asya, at ibibigay ang mga mungkahi hinggil sa pagpapalalim ng pragmatikong pagtutulungan, sa ilalim ng ibat-ibang rehiyonal na mekanismong pangkooperasyon para ibayo pang pasulungin ang kooperasyon ng Silangang Asya.
Umaasa aniya ang Tsina, na gaganap ng positibong papel ang nasabing mga summit sa pagpapasulong ng pagtutulungan ng Silangang Asya, pangangalaga sa multilateralismo, pagpapalawak ng malayang kalakalan, pangangalaga sa mga regulasyong pandaigdig, pagpapasulong ng rehiyonal na integrasyong pangkabuhayan, at pangangalaga sa kapayapaan, katatagan at kaunlaran ng rehiyon.
salin:Lele