|
||||||||
|
||
Kinatagpo sa Beijing nitong Linggo, Enero 27 ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina at kanyang asawa na si Peng Liyuan, ni Ri Su Yong, mataas na opisyal ng Hilagang Korea (DPRK). Pinanood din ng mag-asawa ang palabas ng isang grupong pansining ng Hilagang Korea.
Sinabi ni Xi na ang pagtatanghal ng mga alagad ng sining ng Hilagang Korea ay isa sa mga mahalagang aktibidad bilang pagdiriwang sa ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa. Dagdag ni Xi, noong 2018, nagkaroon sila ni Kim Jong Un, Kataas-taasang Lider ng Hilagang Korea ng apat na pagtatagpo, at narating nila ang mahahalagang komong palagay hinggil sa pagpapasulong ng relasyon ng dalawang bansa. Nakahanda aniya ang Tsina na tupdin ang mga napagkasunduan para magdulot ng mas maraming kapakinabangan para sa mga mamamayan ng dalawang bansa, at mag-ambag para sa kapayapaan at kasaganaan ng rehiyon at daigdig.
Ipinahayag naman ni Ri na layon ng pagtatanghal na iparating ang mataimtim na pagkakaibigan ni Kim at ng mga mamamayan ng Hilagang Korea sa mga mamamayang Tsino. Ipinahayag din niya ang kahandaan ng Hilagang Korea na pahigpitin ang pakikipagtulungan sa Tsina para sumulat ng bagong kabanata ng pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Si Ri Su Yong, miyembro ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Workers' Party of Korea (WPK), at Pangalawang Tagapangulo ng Komite Sentral WPK, at Ministro ng International Department ng WPK ng Hilagang Korea ang namuno sa nabanggit na grupong pansining.
Ang pagdalaw ay ginawa sa paanyaya ng International Department ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC). Si Pangulong Xi ay nanunungkulan din bilang pangkalahatang kalihim ng CPC.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |