Sa preskon ng sesyon ng Pambansang Kongresong Bayan na idinaos ngayong araw, Sabado, ika-9 ng Marso 2019, sa Beijing, ipinahayag ni Qian Keming, Pangalawang Ministro ng Komersyo ng Tsina, ang pagtutol ng kanyang bansa sa lahat ng porma ng proteksyonismo at sinasadyang paglalagay ng ibang bansa ng hadlang sa normal na pamumuhunan ng mga bahay-kalakal na Tsino.
Dagdag ni Qian, dapat magkakasamang lumikha ang iba't ibang bansa ng bukas, maliwanag, at maginhawang kapaligirang pang-negosyo para sa mga mamumuhunan, bilang pagpapasulong sa bukas na kabuhayang pandaigdig.
Ayon pa rin kay Qian, noong isang taon, umabot sa 130 bilyong Dolyares ang halaga ng direktang pamumuhunang panlabas ng Tsina. Aniya, sa kasalukuyan, ang pamumuhunan ng Tsina sa ibang bansa ay naging mahalagang bahagi ng kabuuang direktang pamumuhunang panlabas sa buong mundo.
Salin: Liu Kai