Nakipagtagpo ngayong araw, Martes, ika-23 ng Abril 2019, sa Qingdao, lunsod sa silangang Tsina, si Pangulong Xi Jinping ng bansa sa mga puno ng mga delegasyong dayuhang kalahok sa multinasyonal na aktibidad ng pagpapalitan ng mga hukbong pandagat bilang pagdiriwang sa ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng People's Liberation Army (PLA) Navy ng Tsina.
Sa ngalan ng pamahalaan at hukbong Tsino, ipinahayag ni Xi ang mainit na pagtanggap sa mga opsiyal at sundalo ng hukbong pandagat ng iba't ibang bansa.
Sinabi ni Xi, na ang kapayapaan at katahimikan sa karagatan ay may direktang kinalaman sa katiwasayan at interes ng iba't ibang bansa. Dapat aniya palakasin ng iba't ibang bansa ang pagpapalitan at pagtutulungan sa mga isyung pandagat, harapin ang mga komong banta at hamon sa dagat, at magkakasamang pangalagaan ang kapayapaan at katahimikan sa karagatan, para itatag ang maritime community with a shared future.
Ipinahayag din ni Xi ang kahandaan ng Tsina, na komprehensibong lumahok sa pagtatakda at pagsasagawa ng mga regulasyon at mekanismo ng pangangasiwa sa dagat sa loob ng balangkas ng United Nations, at ipatupad ang mga target ng sustenableng pag-unlad sa dagat.
Salin: Liu Kai