|
||||||||
|
||
Ayon sa pahayag na isinapubliko ngayong araw ng State Post Bureau ng Tsina, hindi angkop sa katotohanan ang di-umano'y maling paghawak o mishandling ng FedEx sa mga pakete ng Huawei, telecom giant ng Tsina. Anang pahayag, sa mahigit isang buwang imbestigasyon, sinuri ng panig Tsino ang pagpapadala ng FedEx ng ilang pakete ng Huawei sa Amerika, sa halip ng dapat na destinasyon sa Asya. Ang FedEx ay pinaghihinalaan ding sinubukang ipagpaliban ang pagpasok sa Tsina ng mahigit 100 parsel na ipinadala ng Huawei.
Ayon sa pahayag, ipagpapatuloy ng Tsina ang imbestigasyon, alinsunod sa batayang komprehensibo, obdyektibo, at patas.
Ang pagsasapubliko ng nasabing resulta ng imbestigasyon ay maaaring ituring bilang pagsagot sa pagkabahala ng iba't ibang panig. Ipinakikita nito ang matinding hangarin ng Tsina na pangalagaan ang karapatan at interes ng mga kliyente, ayon sa batas. Ipinakikita rin nitong anumang bahay-kalakal sa Tsina ay walang karapatang lumabag sa batas, at dapat managot sa kahilingan ng mga kliyenteng Tsino.
Mahigit 30 taon na ang serbisyo ng FedEx sa Tsina, at natamo ang tiwala ng mga kompanya at indibiduwal na Tsino. Gayunpaman, nitong nagdaang Mayo, makaraang ilagay ng Kagawaran ng Komersyo ng Amerika ang Huawei at mga sangay nito sa Entity List ng Bureau of Industry and Security para ipagbawal ang pagbebenta o paglilipat ng mga teknolohiyang Amerikano sa Huawei, paulit-ulit na nagkamali sa pagpapadala ang FedEx ng mga pakete ng Huawei. Bunga ng resulta ng imbestigasyon, hindi mapipigilang pagdudahan ang kredibilidad ng FedEx bilang kilalang multinasyonal na kompanya.
Ang pagpapaliban ng FedEx ng pagpasok sa Tsina ng mahigit 100 pakete ng Huawei ay nagpupukaw rin ng duda na kusang-loob itong nakipagtulungan sa "long-arm jurisdiction" ng pamahalaang Amerikano.
Noong Hunyo 1, sinampahan ng Tsina ng kaso ang FedEx. Layon nitong imbestigahan ang katotohanan, pangalagaan ang interes ng mga kliyente, at pabutihin ang kapaligirang pangnegosyo.
Bukas ang Tsina sa lahat ng mga dayuhang kompanya. Ang paunang kondisyon dito ay pagtalima sa mga batas ng Tsina at mga alituntunin ng pamilihan. Batay sa mekanismo ng "list of unreliable entities" ng Tsina, papatawan ng mga hakbanging administratibo at pambatas ang mga dayuhang kompanyang ilalakip sa nasabing listahan. Kaya, ang mga dayuhang bahay-kalakal na tumatalima sa mga batas at alintutunin ng Tsina ay maaaring matamo ang tiwala ng mga mamimiling Tsino at makinabang sa malaking potensyal ng pamilihang Tsino.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |