Sinabi nitong Lunes, Disyembre 23, 2019 ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang mga mamamayang Tsino ay may karapatang magsalita sa kalagayan ng kalayaang panrelihyon ng bansa. Hinimok aniya ng panig Tsino ang panig Amerikano na tumpak na pakitunguhan at igalang ang pundamental na katotohanan, at itigil ang pakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina, sa pamamagitan ng isyung panrelihyon.
Winika ito ni Geng bilang tugon sa pahayag ni Mike Pompeo, Kalihim ng Estado ng Estados Unidos, hinggil sa paglakip ng Kagawaran ng Estado ng Amerika ng 9 na bansang kinabibilangan ng Tsina sa umano'y listahan ng mga bansang pinag-uukulan ng espesyal na pansin, ayon sa International Religious Freedom Act of 1998.
Dagdag ni Geng na walang batayan ang kaukulang kilos ng panig Amerikano, at buong tatag na tinututulan ito ng panig Tsino. Aniya, pinangangalagaan ng pamahalaang Tsino ang kalayaang panrelihyon ng mga mamamayan, alinsunod sa batas. Nagtatamasa ang mga mamamayan ng iba't ibang lahi ng Tsina ng lubos na kalayaan sa relihyon.
Salin: Vera