Ginanap nitong Lunes, Hulyo 27, 2020 ang virtual meeting ng mga ministrong panlabas ng Tsina, Afghanistan, Pakistan at Nepal sa pagharap sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Nangulo sa pulong si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina.
Saad ni Wang, bilang kapitbansa at partner, nakahanda ang Tsina, kasama ng ibang tatlong bansa, na magkakasamang panaigan ang mga kinakaharap na kahirapan, magkakapit-bisig na pangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan, pasulungin ang pagpapanumbalik ng trabaho't produksyon, at buong lakas na igarantiya ang pundamental na pamumuhay ng mga mamamayan, hanggang mapagtagumpayan ang pandemiya.
Iniharap din niya ang apat na mungkahi hinggil sa pagpapalakas ng kooperasyon ng apat na bansa: una, patitibayin ang komong palagay sa magkakasamang pagpuksa sa pandemiya. Ika-2, isasagawa ang rehiyonal na kooperasyon sa magkakasamang pagpigil at pagkontrol sa pandemiya. Ika-3, pahihigpitin ang kooperasyon sa paglaban sa pandemiya at bakuna. At ika-4, pasusulungin ang pagbangon ng kabuhayan pagkaraan ng pandemiya.
Salin: Vera