|
||||||||
|
||
MGA BAGONG KALAKAL NADAGDAGAN. Sinabi ni Trade and Industry Undersecretary at Board of Investments Managing head Adrian Cristobal, Jr. na lumago ang bilang ng mga mangangalakal na maglalagak ng salapi sa Pilipinas. Napuna ang pag-taas sa nakalipas na unang anim na buwan ng 2013. Ang Board of Investments ay isa sa apat na nilalapitan ng mga mangangalakal na magtatayo ng negosyo sa Pilipinas. (Larawan ni Melo Acuna)
LUMAGO ang halaga ng mga kalakal na sinang-ayunan ng Board of Investments sa unang anim na buwan ng taong 2013.
Sa isang exclusive interview kay Board of Investments Managing Head at Trade and Industry Undersecretary Adrian Cristobal, Jr., sinabi niyang umabot sa P 391.0 bilyon ang nakapasa sa Board of Investments, Philippine Economic Zone Authority, Subic Bay Metropolitan Authority at sa Clark Special Economic Zone.
Nagkaroon ng 39% increase mula sa P 216 bilyon noong unang anim na buwan ng 2012.
Idinagdag ni Undersecretary Cristobal na umabot sa P 201 bilyon ang kanilang naipasa na katumbas ng 22% sa sinangayunan noong 2012. Sa PEZA naitala ang pagtaas ng 92% sa mga kalakal na magkakatotoo sa loob ng tatlo hanggang limang taon. Matatagpuan sa PEZA at sa Board of Investments ang 85 hanggang 90% ng mga kalakal na nakapasa sa apat na investment areas sa Pilipinas.
Unti-unting nakakabawi ang manufacturing sector. Unang nakita ang pagsigla ng manufacturing sector may dalawa at kalahating taon na ang nakalilipas. Nalampasan na ng manufacturing ang services sector, dagdag pa ni G. Cristobal.
Kilala na ang Pilipinas bilang printing hub ng daigdig sapagkat malalaking kumpanyang Hapones ang nagtayo ng kanilang mga pabrika sa Pilipinas tulad ng Fuji Film at Brother. Dati na sa Pilipinas ang Epson at Canon. Mayroon umanong "manufacturing revival program" na ipinatutupad ang Department of Trade and Industry.
Kabilang sa pinakamalaking investment ng mga pribadong kumpanya ay ang Energy at Power Generation.
Nangunguna pa rin ang bansang Japan kung investments ang pag-uusapan. Malking pinagmumulan ng investments ay ang Estados Unidos tulad rin ng buong European Union. May mga kalakal din mula sa Tsina at Korea, dagdag pa ni Undersecretary Cristobal.
Sa katanungan kung kailangan pa ang pagpapalit ng mga probisyon sa Saligang Batas upang higit na dumami ang kalakal sa Pilipinas, sinabi ni Undersecretary Cristobal na nagpahayag na si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na hindi napapanahon ang pagbabago nito.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |