|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Pagpapauwi sa mga Filipino sa Syria, minamadali
NAGTUNGO na sa Damascus si Foreign Affairs Undersecretary Rafael E. Seguis upang pangasiwaan ang repatriation program ng mga Embahada ng Pilipinas sa Damascus at Beirut upang mapauwi kaagad ang mga manggagawang naroroon pa.
Nakausap na niya ang Deputy Foreign Minister ng Syria na si Dr. Faisal Mekdad at and Presidential Adviser for Political and Media Affairs Dr. Bouthaina Shaaban at tiniyak ng dalawang opisyal ang patuloy na pagtulong ng pamahalaan sa repatriation program partikular sa pagpoproseso ng exit visas.
Mayroon nang 4,567 na mga Filipino ang napauwi mula sa Syria at tinatayang mayroon pang 3,000 ang nananatili sa magulong bansa.
Mas maraming tatawid sa hangganan ng Syria at Lebanon sa mga susunod na araw. Makakauwi sila sa oras na magkaroon ng bakanteng upuan sa mga eroplanong pabalik sa Pilipinas. Mayroon na ring contingency measures ang mga embahada upang matugunan ang mga pangangailangan sa larangan ng seguridad.
Sa mga Filipino na nais tumawag sa Embahada ng Pilipinas sa Damascus, maaari silang tumawag sa +963-11-6132626, +963-96-8955057. Samantala, makakabalita ang mga Filipinong nasa Pilipinas sa kalagayan ng kanilang mga mahal sa buhay sa pagtawag sa Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs sa telephone numbers (02) 832-3240 at (02) 8343240. Mayroon ding 24-hour Action Center sa bilang na 834-3333.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |