Diplomatang Italiano, haharap sa taga-usig hinggil sa usaping child trafficking
NAKATAKDANG humarap sa mga taga-usig si Daniele Bodio ng Italia upang dalhin ang kanyang salaysay matapos akusahan ng child trafficking. Haharap siya bukas ng umaga, ganap na ika-sampu ng umaga sa Prosecutor's Office sa Biñan, Laguna.
Nasibak siya sa pagiging Italian Ambassador sa Turkmenistan matapos maakusahan ng child trafficking noong ika-anim ng Abril at nanatiling detenido sa Biñan City Jail ng higit na sa 38 araw. Hindi pa umano naaakusahan ng anumang krimen si Bosio, Kasama niya sa piitan na may sukat na 40 metro kuwadrado ang higit sa 80 bilanggo.
Ayon sa pamilya ng Italyano, nahihirapan na siyang makibagay sa iba pang mga napipiit. Pinag-aaralan na umano ng kanyang pamilya kung ano ang gagawin tulad ng paghiling na mailipat siya sa pagamutan. Ikinalulungkot ng kanyang pamilya ang marumi at halos 'di makataong uri ng piitan. Nangangamba rin ang kanyang pamilya sa kaligtasan at kalusugan ng napipiit.
1 2 3 4 5