|
||||||||
|
||
Mga manggagamot humiling ng ibayong pagbabantay laban sa Ebola
KAILANGAN ng masusing pagbabantay ng mga dalubhasa upang maiwasan at maibsan ang pangamba sa karamdamang Ebola.
Ayon kay Dr. Anthony Leachon, pangulo ng Philippine College of Physicians, kailangang maitaas ang uri ng pagtugon ng pamahalaan at makasama ang mas maraming ahensya upang masundan ang exit screening na ginagawa sa Kanlurang Africa.
Sa serye ng mga panayam, sinabi ni Dr. Leachon na inirekomenda na nila ang exit screening sa Kanlurang Africa at ang kwarantina ng may 21 araw para sa mga Overseas Filipinos at kailangang magkaroon ng blood tests at questionnaire bago maglakbay pabalik sa Maynila. Nangangamba ang manggagamot na walang kontrol ang pamahalaan sa mga pumapasok sa iba't ibang paliparan at daungan.
Nararapat lamang maghanda ang Ninoy Aquino International Airport sa pagpasok ng mga Filipino mula sa iba't ibang bansa sa susunod na tatlong buwan. Ang nalalapit na Pasko at ang pagdalaw ng Santo Papa sa Enero ang siyang magiging malaking hamon sa paglalabas ng salapi para sa mga programa.
Idinagdag pa ni Dr. Leachon na kung masusugpo ang ebola sa pinagmumulan nito sa Kanlurang Africa, mababawasan na rin ang pagkalat nito sa iba't ibang bansa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |