|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Misyonero, magbibisekleta mula Maynila patungong Iligan City
MAGBABALIK si Fr. Amado "Pics" Picardal, isang Redemptorist missionary sa lansangan at magbibisekleta mula Maynila hanggang sa Iligan City upang manawagan sa madla sa kahalagahan ng mga isyu ng "climate change" at mamulat ang mga Filipino sa kalagayan ng mga biktima ng mga kalamidad na tumama sa bansa sa nakalipas na tatlong taon.
Sa panayam sa CBCP Media Office, sinabi ni Fr. Pics na magsisimula siya sa darating na ika-sampu ng Disyembre, Miyerkoles sa National Shrine of Our Mother of Perpetual Help sa Baclaran at matutulog sa Gumaca o Lopez sa Quezon Province.
Magbibisekleta siyang muli patungo sa Naga City at magpapatuloy hanggang Sorsogon. Magmimisa siya at maghahatid ng kanyang mensahe sa bawat bayan o lungsod na kanyang tutulugan.


PARI, MAGBIBISEKLETA MULA MAYNILA PATUNGONG ILIGAN CITY. Aabot sa 1,800 kilometro ang lalakbayin ni Fr. Amado "Pics" Picardal, executive secretary ng CBCP Office on Basic Christian Communities mula sa ika-10 hanggang ika-23 ng Disyembre dala ang mensahe ng pagpigil sa climate change at pagmumulat sa kalagayan ng mga biktima ng malalakas na bagyo at trahedya. (Melo M. Acuna)
Nakatakda siyang dumaan sa Calbayog at nais niyang makarating ng maaga sa Tacloban City. Tutuloy din siya sa Davao City at daraan sa Bukidnon at Cagayan de Oro City. Ang huling dadalawin niya sa ika-23 ng Disyembre ay ang Iligan City na nabiktima ng bagyong "Sendong" ilang taon na ang nakalilipas.
Tinatayang aabot sa 1,800 kilometro ang kanyang magiging paglalakbay. Unang ginawa niya ang higit sa 5,000 kilometrong pagbibisekleta mula Davao City hanggang sa Pagudpud, Ilocos Norte at bumalik din sa Davao City.
Sa katanungan kung gagawin pa niyang muli ang pag-ikot sa buong bansa, pabirong sinabi ni Fr. Pics na "senior citizen" na siya sa pagsapit sa kanyang ika-60 taong gulang kaya't may discount na ang distansyang kanyang lalakbayin.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |