4 Pabayaan na natin ang mga kuneho, sabi ni Arsobispo Villegas
SINABI ni Arsobispo Socrates B. Villegas, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na walang anumang sinabi si Pope Francis na mabilis dumami ang mga Katoliko tulad ng mga kuneho.
Nanawagan ang arsobispo na mas makabubuting basahin ang print at social media transcript ng panayam sa Santo Papa sakay ng Philippine Air Lines patungong Roma.
Ang sinabi ng Santo Papa, ayon kay Arsobispo Villegas ay ilang mga Katoliko ang nagkakamali na upang maging mga Katoliko, kailangang magpadami ng anak tulad ng mga kuneho. Humingi rin ng paumanhin ang Santo Papa sa kanyang ginamit na pahayag upang higit na manawaan ng madla ang nais niyang sabihin.
Ang binigyan ng pansin ng Santo Papa ay ang obligasyon ng mga Katoliko na maging mga magulang na may pananagutan. Nararapat pinagpaplanuhan ang pagkakaroon ng anak upang higit na maging maganda ang kinabukasan ng pamilya.
Iminungkahi pa ng Santo Papa ang paggamit sa natural na paraan na pagpaplano ng pamilya, dagdag pa ni Arsobispo Villegas. Nagkatotoo na ang pinangangambahan ni Blessed Paul VI sa kanyang Humane Vitae na darating ang panahong mas darami ang nakatatanda at higit na mahihirapan ang mga lipunang mayroong mumunting bilang ng mga kabataan.
1 2 3 4 5 6