|
||||||||
|
||
Labing-anim na sandata, isinauli ng MILF sa pamahalaan
MGA SANDATA, ISINAULI NG MILF. Ibinalik ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang 16 na sandatang nasamsam ng kanilang mga tauhan sa 44 na Special Action Force na napaslang sa Mamasapano, Maguindanao noong nakalipas na Enero. Naganap ito sa tulong ng Joint Committee on the Cessation of Hostilities. Nagpasalamat si Prof. Miriam Coronel-Ferrer sa pamahalaan at sa MILF. Sinabi naman ni Mohagher Iqbal, punong negosyador ng MILF sa peace talks na gagawin nila ang kanilang magagawa sa ngalan ng kapayapaan. (OPAPP Photos)
PORMAL na ibinalik ng Moro Islamic Liberation Front ang 16 na sandatang sinamsam ng kanilang mga tauhan mula sa mga napaslang na pulis mula sa Special Action Force sa isang madugong sagupaan noong ika-25 ng Enero sa Mamasapano, Maguindanao.
Pinamunuan ni MILF chief negotiator Mohagher Iqbal ang delegasyong nagdala ng mga sandala sa headquarters ng 6th Infantry Division sa Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao kaninang umaga.
Dumalo sa turn-over ang mga kinatawan ng pamahalaan at MILF na kinabilangan nina Armed Forces Chief of Staff General Gregorio Catapang, Jr., Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Quintos-Deles, chief government negotiator Miriam Coronel Ferrer at MILF chief peace negotiator Iqbal.
Ang unang siyam na sandata ay dumating sa 6th Division headquarters kagabi samantalang ang pitong iba pa ay dumating kaninang umaga. May ilang mga M-4 assault rifles. Kabilang sa mga sandatang isinauli ay Armalite rifles, dalawang M-203 rifles, dalawang light machine guns at bahagi ng isang M-4carbine.
Ang unang mga sandata ay kinuha ng mga kasapi ng joint Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities sa 105th Base Command ng MILF sa Maguindanao.
Ikinatuwa ni Professor Ferrer ang pangyayari at pinuri ang magkabilang panig. Sinabi naman ni G. Iqbal na handa silang kumilos sa ngalan ng kapayapaan. Tiniyak din niya na kontrolado ng MILF ang mga tauhan nila.
Lumabas sa mga pagsisiyasat na aprubado ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang operasyon ng pulisya na nauwi sa madugong wakas.
Sa panig ng Armed Forces of the Philippines, sinabi ni Col. Restituto Padilla, Jr., tagapagsalita ng ahensya, na nagpapakitang sensitibo ang MILF sa kahilingan ng maraming ipakita ang katapatan. Isa umanong napakagandang pangyayari ang naganap.
Nawa'y masundan pa ito, dagdag pa ni Col. Padilla upang makita ng madla ang katapatan ng MILF na isulong ang kapayapaan sa rehiyon. Ang kapayapaang matatamo ay isang malaking biyaya hindi lamang para sa Mindanao kungdi sa buong bansa, dagdag pa ni Col. Padilla.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |