|
||||||||
|
||
Miyerkoles ng Abo, simula ng Lenten Season
PANALANGIN, PAG-AAYUNO AT PAG-AABULOY. Ito ang inaasahan sa mga Katoliko ngayong Cuaresma na sinimulan sa araw na ito sa pagdiriwang ng Miyerkoles ng Abo. Sinabi ni Fr. Marvin Mejia, Secretary General ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na mahalaga ang pananalangin sa araw-araw na buhay ng mga mananampalataya. Mensahe ng araw na ito ang pagbabalik ng tao sa alabok at ang pangangailangan ng paniniwala sa Mabuting Balita. (Melo M. Acuna)
NAGTUNGO sa iba't ibang simbahan sa buong bansa ang mga Katoliko sa Pilipinas at sa ibang bahagi ng daigdig sa pagdiriwang ng Miyerkoles ng Abo na siyang simula ng Lenten Season o Cuaresma na tatagal ng 40 araw sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesucristo.
Ayon kay Fr. Marvin Mejia, ang Lenten Season ang isa sa pinakamatandang tradisyon ng simbahan na nagtutuon ng pansin sa pananalangin, pag-aayuno at paglilimos.
May dalawang mahalagang bagay na matutuhan sa pagdiriwang ng Miyerkoles ng Abo. Una ang pagsasabi na ika'y nagmula sa alabok at magbabalik sa alabok. Ipinapagunita sa madla na ang lahat ay mamamatay. Subalit itinuturo din ng simbahan na hindi nagwawakas ang lahat sa kamatayan sapagkat mayroong buhay na walang hanggan. Hindi nagtatapos ang lahat sa Biyernes Santo sapagkat ito ay sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay o Easter Sunday.
Ang ikalawa ay ang magtika at maniwala sa Mabuting Balita. Kailangang magbago at ito ang panawagan sa simula ng Cuaresma ngayong araw na ito.
Bagama't maraming mga Filipino ang hindi nakakapagsimba o nakakadalo sa Misa at sama-samang pananalangin, sinabi ni Fr. Mejia na may pagkakataong makapagdasal ng taimtim sa silid ng tahanang kinalalagyan o kahit sa mga barkong sinasakyan samantalang nasa karagatan.
May pagkakataon silang manalangin ng taimtim. Karaniwang kasama sa pananalangin ang pagpapasalamat sa Diyos sa lahat ng biyayang tinanggap at mga kahilingan para sa sarili at mga minamahal sa buhay.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |