Mensaheng panalubong para sa mga turistang Tsino
Lunsod Changsha, lalawigang Hunan – Upang mapa-unlad ang pagtutulungang panturismo at mapalakas ang pagpapalitang tao-sa-tao ng Pilipinas at Tsina, pinirmahan at inilunsad, Hunyo 20, 2023, ng isang Pilipinong kompanya na Hunan Samar China Philippines Cultural Tourism Development Co., Ltd. at Tsinong kompanya na Hunan Huatian International Tourism Co., Ltd. ang isang kooperasyon. Layon nitong isulong ang pagpapalitang panturismo sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, galugarin ang malakas na potensyal ng merkadong panturismo ng Pilipinas at palakasin ang promosyon ng mga ito sa Tsina, bagay na tutugon sa malawak na pangangailangan ng merkadong panturismo ng Tsina.
Dokumento ng kooperasyong pinirmahan nina Ge Zan, Tagapangulo ng Hunan Huatian International Travel Service Co., Ltd. (kaliwa) at Luz Lopez, Tagapangulo ng Hunan Samar China Philippines Cultural Tourism Development Co., Ltd. (kanan)
Luz Lopez (kaliwa) at Ge Zan (kanan), habang nagkakamay matapos nilang pirmahan ang dokumento ng kooperasyong sinaksihan ni Ireneo Reyes (gitna at likod),Tourism Attache ng Tanggapan ng Kagawaran ng Turismo sa lunsod Shanghai (PDOT-Shanghai), at mga opisyal ng dalawang kompanya
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Ireneo Reyes, Tourism Attache ng Tanggapan ng Kagawaran ng Turismo sa lunsod Shanghai (PDOT-Shanghai), na ang naturang kooperasyong ay isang magandang programa dahil ito ay magreresulta sa pagpapadala ng mas maraming turistang Tsino sa Pilipinas.
Sa ngayon, ang importante aniya ay mas maraming pribadong sektor ang tutulong sa promosyon ng mga destinasyon at produktong panturismo ng Pilipinas sa merkadong Tsino.
Ireneo Reyes, habang nagtatalumpati
“Sila iyong may hawak ng mga produkto, kaya sila iyong gagawa ng mga areglo para iyong ating mga turista ay siguradong makakarating at mag-eenjoy sa Pilipinas,” dagdag niya.
Ani Reyes, napakahalaga ang mga kooperasyong tulad nito dahil napapalawak ang pagtutulungang panturismo sa pagitan ng dalawang bansa, napapalakas ang pagpapalitang tao-sa-tao, at nakakapagbigay ng makabuluhang empleyo sa maraming Pilipino.
“Ito ay malaking bagay,” paliwanag niya.
Tungkol naman sa pagpapalalim ng kultural na pagkaka-unawaan ng mga Pilipino at Tsino, sinabi ni Reyes, na malaki ang papel na ginagampanan ng turismo.
Aniya, para maibigay sa mga turistang Tsino ang nararapat na serbisyo, kailangang pag-aralan ng mga Pilipino ang kanilang kultura, pangangailangan, at iba pang dapat gawin.
Sa kabilang dako, sa pagpunta ng mga Tsino sa Pilipinas, nararanasan naman aniya nila ang kultura ng bansa, ang pagiging ospitable ng mga Pilipino, ang masasarap na pagkain, ang magagandang destinasyong panturista, at nakikita ang mga imprastrukturang kakaiba kumpara sa Tsina.
Ito ay nagpapalakas ng kultural na pagpapalitan at pagkakaunawaan ng dalawang mamamayan, aniya pa.
Ayon naman kay Luz Lopez, Tagapangulo ng Hunan Samar China Philippines Cultural Tourism Development Co., Ltd., na bilang tulay ng kultural na pagpapalitan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, isusulong ng kanyang kompanya ang pagtutulungang panturismo at pagpapalitang tao-sa-tao sa pagitan ng dalawang bansa.
Upang mapunan ang mga pangangailangang panturismo ng mga Pilipino at Tsino, palalakasin aniya ng kanyang kompanya ang mga propesyunal na serbisyo at produktong gagawa ng pambihirang karanasan para sa mga turista ng dalawang bansa.
Ani Lopez, ang lalawigang Hunan ay kanya nang ikalawang tahanan, kaya nais niyang gumawa ng positibong kontribusyon sa pagpapalakas ng di-pampamahalaang ugnayang pangkultura at pangnegosyo ng mga Pilipino at Tsino.
Luz Lopez, habang masayang ipinagmamalaki ang mensaheng panalubong para sa mga turistang Tsino
Ang kooperasyon sa pagitan ng Hunan Samar China Philippines Cultural Tourism Development Co., Ltd., at Hunan Huatian International Tourism Co., Ltd. ay isang napakagandang simula sa pagpapalakas ng ugnayang Pilipino-Sino, magbibigay ng mataas na kalidad ng serbisyo sa mga turistang Pilipino at Tsino, at magiging pundasyon para sa susunod pang mga pagtutulungan sa pagitan ng mga kompanya ng Pilipinas at Tsina, aniya.
Dagdag ni Lopez, malaking responsibilidad ang ngayon ay naka-atang sa kanyang balikat ngunit, sa tulong ng Hunan Huatian International Tourism Co., Ltd. at pamahalaang Pilipino at pamahalaang Tsino, siya ay magpupunyagi upang maisulong ang win-win na kooperasyon tungo sa pinagbabahaginang pag-unlad.
Samantala, sinabi naman ni Cao Yuesong, Deputy General Manager ng Hunan Huatian International Tourism Co., Ltd., na siya ay nagagalak sa kanilang pakikipagkooperasyon sa Hunan Samar China Philippines Cultural Tourism Development Co., Ltd.
Ito aniya ay magpapalakas ng ugnayang panturismo ng Tsina at Pilipinas at magpapalakas ng kultural na pagkaka-unawaan ng mga Tsino at Pilipino.
Ang nasabing kooperasyon ay simula pa lamang, aniya.
Sa mga susunod pang panahon, nais niyang mapalawak at mapalakas pa ang mga pagtutulungang magdadala ng maraming tunay na benepisyo, sa kapuwa mga Tsino at Pilipino.
Cao Yuesong, habang nagtatalumpati
Matatandaang ang Tsina ang ikalawang pinakamalaking pinagmumulan ng mga turista ng Pilipinas noong 2019, at sila rin ang pinakagalante sa paggastos.
Tungkol dito, sinabi ni Reyes, na nagsisimula na muling lumaki ang bilang ng mga turistang Tsinong dumadalaw sa Pilipinas.
Umaasa siyang sa lalong madaling panahon at kung sakaling mailulunsad ang e-visa para sa mga group tour na nagmumula sa Tsina, babalik sa dati ang bilang ng mga turistang Tsinong nagbabakasyon, nagnenegosyo at nag-aaral sa Pilipinas.
Diin pa niya, ang muling pagdami ng mga turistang Tsino sa Pilipinas ay nangangahulugang pagdami ng mga oportunidad sa hanap-buhay at negosyo para sa mga Pilipino.
Ang aktibidad ay dinaluhan ng mga kompanyang panturista ng lalawigang Hunan, lokal na media, at mga kaibigan.
Laruang tarsier na ipinamigay sa mga dumalo
Mga panauhing nabigyan ng laruang tarsier
Artikulo’t larawan: Rhio Zablan
Patnugot sa teksto: Jade/Rhio
Patnugot sa website: Jade