Sa ilalim ng temang, "Opening up Leads to Development, Cooperation Delivers the Future," idaraos mula Setyembre 2 hanggang 6, 2023 sa lunsod Beijing, kabisera ng Tsina ang 2023 China International Fair for Trade in Services (CIFTIS).
Nasa 2,200 on-site na eksibitor ang nakatakdang dumalo rito, samantalang halos 5,000 iba pa ang kasama naman sa online na eksibisyon.
Kaugnay nito, idinaos ng distrito ng Chaoyang, Beijing, Agosto 28, 2023 ang isang aktibidad na nagpapakita ng pag-unlad ng lunsod sa larangan ng serbisyo, turismo, at libangan.
Bahagi ng central business district (CBD), distrito ng Chaoyang, Beijing
Sa paglahok ng China Media Group – Filipino Service (CMG-FS) sa nasabing kaganapan, ipinakita ang isang bagong mall na tinaguriang “The Box.”
Matatagpuan sa pusod ng central business district (CBD) ng Beijing, makikita sa nasabing mall ang maraming interesanteng tindahan at pamilihang patok sa mga kabataan – isang hudyat ng masiglang pagbangon ng indutriya ng serbisyo ng lunsod.
Ilan sa mga makikita sa loob ng The Box
Isa sa mga interesanteng atraksyon sa naturang mall ay ang tindahang “Badmarket.”
Harapan ng Badmarket
Mga bilihin sa Badmarket
Dito mabibili ang makukulay na damit, iba’t-ibang klaseng mukhang tunay na laruang gulay, musika, sariling gawang kape na may espesyal na lasa, at marami pang iba.
Ayon kay Situ Wanwen (Cally), Chief Operating Officer ng URF Young Power Group, kompanyang namamahala sa The Box, ang pangalang “Badmarket” ay napili upang akitin ang atensyon ng maraming kabataan, at magbigay ng panibagong buhay at interes sa industriya ng serbisyo.
Situ Wanwen (Cally)
Binigyang-diin niyang hindi “bad” o masama ang dulot na serbisyo at produkto ng tindahan.
Dagdag pa riyan, ipinagmalaki rin ng lunsod ang mga pagsulong na natamo nito sa larangan ng turismo.
Sa may di-kalayuan sa The Box ay ang Pantalan ng Solana – ito ang pambungad na istasyon ng river cruise tour sa Ilog Liangma.
Dito mararanasan, ang kaaya-ayang kapaligiran, preskong hangin, at kagila-gilalas na palabas ng ilaw sa iba’t-ibang tulay na mararaanan sa kahabaan ng Ilog Liangma.
Isa sa pinaka-magandang palabas ng ilaw ay ang nasa Tulay ng You Yi o Tulay ng Pagkakaibigan.
Ang tulay na ito ay itinayo bilang simbolo ng pakikipagkaibigan ng mga Tsino sa lahat ng lahi at nasyon ng buong mundo.
Ang nasabing pamamangka sa ilog ay isang nakakahalinang adisyon at buhay na patunay sa matatag na pag-unlad ng industriya ng serbisyo ng Beijing.
Ang Tulay ng Pagkakaibigan sa Ilog Liangma
Isang miyembro ng media sa ilalim ng isang tulay sa kahabaan ng Ilog Liangma
Panghuling istasyon ng river cruise
Artikulo: Rhio Zablan
Litrato: Ramil Santos
Patnugot sa teksto: Jade
Patnugot sa website: Sarah