Ika-606 na anibersaryo ng pagdalaw sa Tsina ni Paduka Batara, ginunita: puntod ng Pilipinong hari, dinalaw ng prinsesa ng Sulu

2023-10-24 16:41:26  CMG
Share with:

Ngayong taon ay Ika-606 na Anibersaryo ng Pagdalaw sa Tsina ni Paduka Batara, Hari ng Silangang Kaharian ng Sulu.

Kaugnay nito, dinalaw kamakailan ni Princess Jacel Kiram ng Sultanato ng Sulu ang musoleo at huling hantungan ng yumaong hari sa distrito ng Decheng, lunsod Dezhou, lalawigang Shandong, sa dakong silangan ng Tsina.

Doon ay nagkaroon siya ng pagkakataong makasama at makausap ang mga salinlahi't inapo ng Pilipinong hari.

"Nais kong ipaabot ang taos-pusong pasasalamat sa pamahalaang Tsino, partikular, sa lokal na pamahalaan ng Dezhou sa patuloy na pangangalaga sa musoleo ni Paduka Batara, at kanyang mga salinlahi sa Tsina," aniya.

Sa kabilang dako, sinabi ng mga kinatawan ng pamilyang An at Wen, mga salinlahi ni Paduka Batara sa Tsina, ang pasasalamat sa pagbisita ng prinsesa ng Sulu.

Ikinuwento rin nila sa prinsesa kung paano sila sinusuportahan at kinakalinga ng pamahalaan ng Dezhou.

Anila pa, dahil sa tulong ng pamahalaan ng Dezhou, ang musoleo ni Paduka Batara ay isa na ngayong pambansang protektadong lugar, na nagsisilbing di-matitibag na muhon ng bigkis sa pagitan ng mga mamamayang Tsino at Pilipino.

Inihayag din nila ang pagnanais na dadalas pa ang pagbisita ni Princess Jacel sa kanilang lugar.

Sinabi naman ng prinsesa, na ang Dezhou ay kanyang ikalawang tahanan, at sa sandaling magkaroon muli siya ng pagkakataon, siguradong bibisita ulit siya.

Sa eksklusibo at hiwalay na panayam sa China Media Group – Filipino Service (CMG-FS), sinabi ng prinsesa, na ang tunay na pagkakaibigang namagitan sa Pilipinong hari at Emperador Yong Le ng Dinastiyang Ming ay maningning na simbolo at malakas na bigkis ng pagkakaibigan at pagiging magkapamilya ng mga Pilipino at Tsino.

Si Paduka Batara ay ang hari ng Silangang Kaharian ng Sulu noong mga unang taon ng 1400s.

Bumiyahe siya sa Beijing kasama ang kanyang reyna, mga anak at enturahe noong 1417 upang makipagkalakalan at dalawin ang matalik na kaibigan, ang emperador ng Dinastiyang Ming, si Zhu Di, na kilala rin bilang Emperador Yong Le.

Sa kasamaang-palad, habang papauwi sa Sulu, nagkasakit at namatay si Paduka Batara.

Nang malaman ito ng Emperador Yong Le, lubha siyang nalungkot, at bilang pagpupugay, ipinag-utos niya ang pagtatayo ng isang enggrandeng musoleo na nararapat sa isang prinsipeng Tsino sa lunsod Dezhou, lalawigang Shandong, upang doon ihimlay ang mga labi ng kaibigan.

Dalawang anak na lalaki at ilang matatapat na sundalo ni Paduka Batara ang nagpa-iwan upang magsilbing bantay sa musoleo.

Doon na sila nanahan at nagtayo ng pamilya kasama ang mga lokal na residente.

Hanggang ngayon, ang kanilang mga salinlahi ang nangangasiwa sa puntod.

Ito ay isa sa mga makasaysayang pangyayaring nagbibigkis sa mga Pilipino at Tsino bilang magkapatid at magkapamilya.

 

Host/Artikulo: Rhio Zablan

Cameraman/Patungot sa Video: Ramil Santos

Patnugot sa nilalaman: Jade

Patnugot sa website: Sarah