Sa panayam ngayong araw ng China Media Group Serbisyo Filipino (CMG-SF) sa mga Pilipinong negosyanteng kalahok sa Ika-6 na China International Import Expo (CIIE), inihayag nila ang kasiyahan dahil sa malaking oportunidad na hatid nito sa kanilang buhay.
Optimistiko anila sila, na lalo pang darami ang mga produktong Pilipinong makakapasok sa Tsina.
Ayon kay Imelda Madarang, Chief Executive Officer (CEO) ng Fisherfarms Incorporated, malaki ang oportunidad na hinaharap ng mga tagapagluwas na Pilipino dahil maipapakilala sa merkadong Tsino ang napakagagandang produkto ng Pilipinas.
Imelda Madarang
Sa pamamagitan ng CIIE, umaasa siyang mapapalakas pa ang koneksyon at kooperasyon ng mga kompanyang Pilipino at Tsino, upang sa ganoon ay umangat ang buhay ng mga Pilipinong tagapagluwas, mangingisda, magsasaka at ekonomiya ng bansa.
Samantala, sinabi naman ni Rebeca Gacayan, May-ari ng Gacayan General Merchandise, na “napaka-inam na pagbabago ang nangyayari sa kanyang kompanya at industriya ng kape ng Sultan Kudarat dahil sa pagbubukas ng merkadong Tsino.”
“Iyong oportunidad na makapasok sa puso ng mga Tsino iyong kape ng Sultan Kudarat ay malaking bagay na po sa amin iyon,” dagdag niya.
Malaking tulong din aniya ang merkadong Tsino sa pag-unlad ng kanilang buhay dahil mayroon nang siguradong mapagdadalhan ang kanilang produkto.
Rebeca Gacayan
Ayon naman kay Dolores Lazarus, May-ari ng Gerb Golden Hands Corporation, napakalaking tulong sa maliliit na eksporter ng Pilipinas ang Ika-6 na CIIE, dahil ito ang sumusuporta sa pagdurugtong ng mga negosyanteng Pilipino at Tsino, at humahanap ng mga mamimili sa mga produktong Pilipino.
Sa pamamagitan aniya nito, mas malaking pakinabang ang nakukuha ng kanyang kompanya at mga magsasaka ng saging, kaya naman patuloy niyang susuportahan at sasalihan ang CIIE.
Dolores Lazarus
Sinabi naman ni Emmanuel Belviz, Presidente ng Durian Association ng Davao City at May-ari ng Belviz Farms at Rosario’s Delicacies, na napakalaking oportunidad ng pag-unlad ang hatid ng Ika-6 na CIIE sa buong industriya ng durian ng Pilipinas.
Dahil sa Ika-6 na CIIE, naipi-presenta aniya sa mga mamamayang Tsino kung gaano kasarap ang durian natin.
Nakikita sa feedback, na gustung-gusto nila ang durian ng Pilipinas, aniya pa.
Gusto niyang ibahagi sa mga magsasaka ng durian sa Davao ang karanasang nakuha niya mula sa Tsina.
Tungkol naman sa kalidad, idinagdag niyang aayusin pa nila ito, upang mas maging propesyunal at umabot sa istandard ng merkadong Tsino ang durian ng Pilipinas.
“Ine-enkorahe ko po ang mga magsasaka natin sa Pilipinas na magtanim pa,” panawagan niya.
Emmanuel Belviz
Ulat/larawan/video: Rhio Zablan at Ernest Wang
Patnugot sa teksto: Jade
Patnugot sa website: Vera