Mga Pilipinong mag-aaral, ibinahagi ang kulturang Pilipino sa pagdiriwang ng WCC

2024-04-28 17:11:58  CMG
Share with:

Entablado ng World Cultural Carnival ng BLCU


Idinaos, Abril 27, 2024 sa Beijing ng Beijing Language and Culture University (BLCU) ang ika-19 na World Culture Carnival (WCC) Garden Party na may temang “Zero Time Difference at Beiyu, Walking Without Borders.”


Mula sa mainit na simoy ng tagsibol at luntiang halamanan, nilahukan ang WCC ng mga panauhing pandangal at bisita, at umakit ng iba’t ibang internasyonal na estudyante mula sa mahigit 100 bansa, kabilang na ang Pilipinas.

 Nagpakuha ng letrato si Karen Quinquero, International Relations Student ng BLCU


Sinabi ni Karen Quinquero, International Relations Studies student, na isang masaya, makulay at kamangha-mangha ang pagdiriwang ng WCC dahil, magandang pagkakataon ito upang ibahagi ang kagandahan at kahalagahan ng iba’t ibang kultura ng ibang bansa.


Aniya, magandang pagkakataon ito para maunawaan ang iba't ibang kultura at tradisyon, at matikman ang iba’t ibang masasarap na pagkain dahil, nagbibigay-daan ito sa pagpapalitan ng karanasan at pagkakaisa sa kabila ng mga pagkakaiba.

Pagsasayaw ng tinikling ng mga Pilipinong mag-araal


Sa naturang pagdiriwang, ibinahagi at ipinamalas ng mga Pilipinong mag-aaral ang kulturang Pilipino sa pamamagitan ng pagtatanghal ng tinikling na hinangaan at pinalakpakan ng mga manonood.

Iwinagayway ni Wilbur John Manarin, Chinese Language Student ng BLCU and bandila ng Pilipinas


Sinabi naman ni Wilbur John Manarin, Chinese Language student, na natutuwa siya sa matagumpay na pagdiriwang ng WCC, dahil marami ang dumalo para maging sugo ng kani-kanilang mga bansa.


Aniya, ito ang kanyang unang pagkakataon na makilahok sa naturang pagdiriwang, napakahusay at maayos ang pagkakaplano nito at hindi niya inaasahan na dadagsain ito ng internasyonal na komunidad para suportahan.

Paglalaro ng Hep Hep, Hooray


Habang ibinida ng mga Pilipinong mag-aaral ang iba’t ibang uri ng pagkain at tradisyon ng Pilipinas, nagpalaro din sila ng Hep, Hep, Hooray na ikinatuwa ng mga Tsinong kalahok dahil sa dami ng papremyong ipinamigay.


Sa opiniyon ni Quinquero, isang mahusay na paraan ang pagdiriwang ng WCC para lalo pang mapalalim ang pag-uugnayan at pag-uunawaan ng Pilipinas at Tsina at higit pang makakatulong ito sa pagpapalawak ng kaalaman sa kultura, tradisyon at kaugalian ng mga Tsino.


Aniya, sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan at pakikilahok sa mga programa ng unibersidad, higit nitong bibigyan ng pagkakataon para makipag-kaibigan sa mga Tsino, at magbahagi at makipagpalitan ng kulturang Pilipino.


Dagdag niya na lalo pang palalalimin ang pagkakaunawaan at respeto sa isa't isa, at magandang pundasyon ito para sa mas mahusay na ugnayan at pagtutulungan ng dalawang bansa.

Emb. Jaime A. FlorCruz, kasama ng mga Pilipinong mag-aaral ng BLCU


Bukod dito, dinaluhan ito ni Jaime A. FlorCruz, Embahador ng Pilipinas sa Tsina para kamustahin ang kalagayan ng mga Pilipinong mag-aaral ng BLCU at makisaya na rin sa naturang pagdiriwang.  


Para kay Manarin, ang pag-aaral ng wikang Tsino ay may positibong epekto sa pagpapalago at pagpapalakas ng relasyon ng Pilipinas at Tsina, higit nitong bubuksan ang pinto para sa pagtataguyod ng pagpapalitan at pag-uunawaan ng kultura ng dalawang bansa.


Dagdag niya na ang pag-oorganisa ng mga pagdiriwang kultural ng mga Tsino ay isang epektibong paraan para sa pagpapalaganap at pagpapahalaga ng kulturang Tsino, pagsasama-sama ng komunidad ng daigdig, at lalo pang mahihikayat nito ang mga Pilipino na nais mag-aral sa Tsina.


Ulat/Larawan: Ramil Santos

Patnugot: Lito

Pasasalamat sa karagdagang mga larawan: Wilbur John Manarin