Ang merkadong Tsino ay pinakamalaking consumer market ng durian sa daigdig.
Ayon sa datos ng Pangkalahatang Administrasyon ng Adwana ng Tsina, mahigit 1.4 milyong toneladang sariwang durian ang inangkat ng Tsina noong 2023.
Noong Abril 2023, sinimulan na ng Pilipinas ang pagluluwas ng mga sariwang durian sa Tsina.
Dahil sa de-kalidad at katangi-tanging lasa, ang mga durian ng Pilipinas ay nakatanggap ng positibong komento at kagustuhan mula sa mga konsumer na Tsino.
Idinaos kamakailan ang 2024 Durian Conference sa lunsod Jiaxing, lalawigang Zhejiang, gawing silangan ng Tsina.
Bilang espesyal na kinatawan ng Philippine Trade and Investment Center (PTIC)-Shanghai, lumahok sa naturang komperensya si Mingfeng “Tom” Xiao at bumigkas ng talumpating may temang “Opportunities in Philippine Durian.”
Sa eksklusibong panayam ng China Media Group – Filipino Service (CMG-FS) kay G. Xiao, ibinahagi niyang ang rehiyon ng Davao ay pangunahing lugar ng produksyon ng durian sa Pilipinas. Paliwanag niya, mayroong magandang klima para sa pagtatanim ng durian ang Davao dahil malapit ang lugar sa ekuwador. Maganda rin aniya ang lupa at pangunahin ay lupang bulkaniko o volcanic soil. Dahil sa mabuting kondisyong pangkalikasan, ang mga Davao durian ay mayroong mas maraming almirol, at mas matamis at malambot kapag kinakain, dagdag pa ni Xiao.
Ang merkadong Tsino aniya ay may napakalaking potensyal, at nagkakaloob ng mahalagang pagkakataon para sa mga magsasaka at bahay-kalakal ng durian sa Pilipinas.
Nagpupunyagi silang mapataas ang bolyum ng produksyon ng durian para mas matugunan ang pangangailangan ng mga mamimiling Tsino.
Ayon sa datos hanggang noong Enero ngayong taon, 606 na taniman at 17 processing plants ang nakakuha ng awtorisasyon ng pagluluwas ng durian sa Tsina.
Sa hinaharap, plano ng Kagawaran ng Agrikultura na dagdagan pa ang 15 libong hektaryang hektaryang lupain para sa pagtatanim ng durian. Kasabay nito, itatayo ang isang malaking modernong pagawaan para mas mabuting maproseso ang mga durian, saad ni Xiao.
Bukod pa riyan, may plano din silang itakda ang mas mabuting regulasyon at istandard ng pagtatanim, pagbabalot at paghahatid ng mga durian, upang ipatikim sa mga konsyumer sa Tsina ang mas de-kalidad, sariwa, ligtas at masarap na durian ng Pilipinas.
Ani Xiao, kasama ang Kagawaran ng Agrikultura ng Pilipinas (DA) at Durian Industry Association of Davao City (DIADC), itatakda at isasagawa nila ang isang mas mahigpit na pamantayan para sa mga iniluluwas na durian, upang mas magbigay-kasiyahan sa mga mamimiling Tsino.
Ulat/Video: Kulas
Patnugot sa teksto: Ramil
Patnugot sa website: Kulas