Vientiane, Laos — Sa kanyang pakikipagtagpo Hulyo 26, 2024 (lokal na oras) kay Enrique Manalo, Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas, sinabi ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina na ang mapayapang pakikipamuhayan, kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan at paghahanap ng komong kaunlaran ay angkop sa pundamental na kapakanan ng dalawang bansa.
Paulit-ulit aniyang napapatunayan ng mga karanasan at aral ng pag-uugnayang Sino-Pilipino nitong ilang taong nakalipas, na di madaling naitatatag ang mabuting relasyon, ngunit madali itong masira.
Sinabi ni Wang na ang pinag-ugatan ng kasalukuyang kahirapan at hamon sa relasyong Sino-Pilipino sa ngayon ay paulit-ulit na paglabag ng panig Pilipino sa napagkasunduan ng kapuwa panig at sariling pangako, walang patid na pagpapasulong ng probokatibong aksyon sa dagat, at pagpapalawak ng pagpukaw.
Mahigpit na sinusubaybayan at matinding tinututulan ng panig Tsino ang mga ito, ani Wang.
Tinukoy ni Wang na ngayo’y nasa krus na daan ang relasyong Sino-Pilipino. Umaasa aniya siyang mataimtim na isasaalang-alang ng panig Pilipino ang relasyong Sino-Pilipino sa hinaharap, at magsisikap kasama ng panig Tsino upang mapanumbalik ang bilateral na relasyon sa lalong madaling panahon.
Ipinahayag naman ni Manalo na mahabang kasaysayan ang tradisyonal na pagkakaibigang Pilipino-Sino. Sa kabila ng mga kahirapan at hamon ng kapuwa panig sa dagat, nagsisikap ang panig Pilipino upang mapahupa ang maigting na situwasyon sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian.
Ang susunod na taon ay ika-50 anibersaryo ng relasyong diplomatiko ng Pilipinas at Tsina, at kasama ng panig Tsino, nakahanda ang panig Pilipino na palakasin ang pagkokoordinahan, palalimin ang pagtitiwalaan, at pabutihin ang bilateral na relasyon sa matapat at pragmatikong atityud, ani Manalo.
Salin: Lito
Pulido: Ramil