Sariling-gawang exoskeleton robot ng kompanyang Tsino, tulong sa rehabilitasyon ng mga maysakit

2024-08-20 11:10:38  CMG
Share with:


Ang ekso-iskeleton o exoskeleton ay nangangahulugang panlabas na kalansay na nakapagbibigay ng suporta at proteksyon sa katawan ng tao.

 

Ang RoboCT sa Hangzhou Future Tech City, lunsod Hangzhou, lalawigang Zhejiang, gawing silangan ng Tsina, ay isa sa mga nangungunang kompanyang nagdedebelop, nagmamanupaktura, at nagbebenta ng mga exoskeleton robot sa bansa.

 

Sa eksklusibong panayam ng China Media Group – Filipino Service (CMG-FS) kay Zhao Qingyu, CTO ng RoboCT, ibinahagi niyang ang kanilang mga produkto’t teknolohiya ay karaniwang ginagamit sa rehabilitasyon ng mga bata’t matatandang may pinsala sa nerbiyo o buto, at nagpapagaan sa epekto ng pinsalang dulot ng mabigat na trabaho.

 

Malaki aniya ang tulong ng mga exoskeleton robot sa mga batang may cerebral palsy, upang sila ay makalakad, mapanumbalik ang lakas ng kalamnan, at mapabilis ang proseso ng kanilang rehabilitasyon.

 

Isang katangian ng kanilang mga produkto ay pagtataglay ng algoritmo ng artificial intelligence (AI). Sa pamamagitan ng algoritmo ng AI, maaaring masuri at malaman ang lakas ng kilos ng pasyente, na mainam sa rehabilitasyon at mas mabuting pagsisilbi sa kanila, paliwanag ni Zhao.

 

Dahil sa patuloy na pananaliksik at inobasyon, isang serye ng sariling-gawang produkto ng RoboCT ang nasa kamay na ng libu-libong pamilya, at ang mga ito ay mabisang nakakatulong sa iba’t-ibang may-pangangailangang gaya ng matatandang nahihirapang maglakad, at mga batang may poliomyelitis.

 

Ani Zhao, halos 20 uri ng magkakaibang produkto ng ekso-iskeleton ang ibinibida nila ngayon.

 

Noong dati, kailangan pa nilang angkatin ang ilang bahagi mula sa ibang bansa, pero ngayon, halos lahat ng bahagi ng ekso-iskeleton ay sarili na nilang debelop at gawa, gaya ng chip, de-kuryenteng makina at detector.

 

Dahil dito, malaking bumaba ang kanilang gastusin sa manupaktura, kaya mas abot-kaya para sa mas maraming ahensya’t pamilya, at mas maraming tao ang natulungan ng kanilang mga produkto, habang pinapanatili ang kalidad, dagdag pa niya.

 

Sa kasalukuyan, mahigit 200 milyong hakbang ang nailakad ng mga maysakit suot ang exoskeleton device, mahigit 400 ospital at mahigit 440 libong person-time na ensayo ng rehabilitasyon ang napagkalooban ng kanilang serbisyo.

 

Ang ganitong tagumpay sa larangan ng exoskeleton robot ay nangunguna sa daigdig, saad niya.

 

 

Ulat/Video: Kulas

Pulido: Rhio/ Jade

Espesyal na Pasasalamat: RoboCT