Mas malakas na kooperasyong Pilipino-Sino, makakatulong sa paglipol ng kahirapan - Amba. Sta. Romana

2020-12-15 22:24:47  CMG
Share with:

“Nang dumating ako sa Tsina noong 1971, nakita ko ang kahirapan sa isang umuunlad na bansa, mula sa buhay ng mahihirap nitong mamamayan. Pero, dahil sa napakahalagang papel na ginampanan ng deka-dekadang pag-unlad ng kabuhayan ng Tsina, nai-ahon nito mula sa ganap na kahirapan o extreme poverty ang 748.5 milyong mamamayan.”

 

Ito ang ipinahayag ni Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, ngayong araw, Disyembre 15, 2020 sa kanyang talumpati sa online forum na Media Exchanges on International Poverty Reduction.

 

Mas malakas na kooperasyong Pilipino-Sino, makakatulong sa paglipol ng kahirapan - Amba. Sta. Romana

 Si Embahador Sta. Romana habang nagtatalumpati sa Online Forum for Media Exchanges on International Poverty Reduction.

 

Aniya, kahit sa gitna ng napakatinding pagsubok na dala ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19),  kabuhayan ng Tsina ang mabilis na pagpapanumbalik. Samantala, napakahalaga ng papel ng pag-unlad ng kabuhayan sa pagpapatupad ng mga hakbanin ng paglipol ng kahirapan. 

 

Kaya naman, inaasahang maipagpapatuloy ng bansa ang mga hakbang nito sa pagpuksa sa kahirapan sa hinaharap.

 

Sa pamamagitan ng matatag na pagyabong ng kabuhayan, hindi lamang maisasakatuparan ng Tsina ang target ng paglipol sa ganap na kahirapan sa taong 2020, mabibigyang-dagok din ang mga hamong kinakaharap hinggil sa relative poverty at rural-urban inequality sa mga susunod na taon, dagdag pa ni Sta. Romana.

 

Samantala, kasabay ng pagtahak ng Pilipinas sa sarili nitong proseso ng pagpuksa sa kahirapan sa ilalim ng programang “Ambisyon Natin 2040,” marami itong maaaring matutunan mula sa karanasan ng Tsina, kahit nagkakaroon ito ng progreso sa usaping ito.

 

Aniya, ipinakikita ng datos na bumaba ang poverty incidence sa bansa mula 26.6% noong 2006 sa 21.6% noong 2015, at ang target sa taong 2022 ay 14% pababa.

 

Kaya aniya, ang mas malakas na kooperasyong Pilipino-Sino ay isang mahalagang hakbang, upang matamo ng dalawang panig ang tagumpay laban sa kahirapan, alinsunod sa United Nations Sustainable Development Goals (UNSDGs).

 

Sa larangan ng ekonomiya, sinabi ng embahador Pilipino, na dinamiko at malakas ang kooperasyong Pilipino-Sino.

 

Ani Sta. Romana, ang masigasig na ugnayang pangkalakalan at pang-komersyal ng dalawang bansa ay patuloy na nagdudulot ng pagyabong at paglawak sa ekonomiya ng Pilipinas, at isang halimbawa nito ang matalik na ugnayan sa pagtatayo ng mga dekalidad na imprastruktura sa ilalim ng mga programang  Build, Build, Build at Belt and Road Initiative (BRI).

 

Magkagayunman, hindi aniya nakaligtas ang ekonomiya ng Pilipinas sa epekto ng pandemiya ng  COVID-19.

 

Ayon sa pananaliksik ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), mga 1.5 milyong Pilipino ang posibleng maghirap dahil sa pandemiya.

 

Sa proseso ng pag-ahon ng kabuhayang Pilipino, kasama ng kabuhayang pandaigdig mula sa pagkakalugmok, ipinagdiinan ni Sta. Romana na lubhang kailangan ang internasyonal na kooperasyon hinggil sa pagbabawas ng kahirapan upang maabot ang target ng UNSDGs sa 2030.

 

“Sa kontekstong ito, inaasahan namin ang pakikipagpalitan sa Tsina tungo sa mutuwal na pagbabahaginan at pag-aaral ng mga karanasan hinggil sa mga programang laban sa kahirapan,” saad ng embahador.

 

Ang Forum on Media Exchanges on International Poverty Reduction ay isa sa mga online parallel sub-forum sa ilalim ng International Forum on Sharing Poverty Reduction Experience na idinaraos mula Disyembre 14 hanggang 16, 2020.

 

Layon nitong ipakita ang napakahalagang papel ng media sa proseso ng pagbabawas ng pandaigdigang kahirapan, pagbabahagi ng mahahalagang karanasan sa paglaban sa kahirapan, at paghahanap ng mga inobasyon at prosesong maaaring magamit sa hinaharap.

 

Ang porum ay magkasamang inorganisa ng State Council Information Office ng Tsina, State Council Leading Group Office of Poverty Alleviation and Development ng Tsina, China Media Group, Chinese Academy of Social Sciences, China Development Bank, at International Poverty Reduction Center in China.

 

Ulat: Rhio Zablan

Edit: Jade

Larawan: CGTN/Frank

 

 

Please select the login method