Sa Bisperas ng bagong taon ng 2024, isinahimpapawid ng China Media Group (CMG) ang talumpating pambagong taon ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina.
Narito ang buong teksto.
Mga kasamahan, kaibigan, binibini, at ginoo:
Mabuhay!
Mula sa Beijing, ipinapa-abot ko ang Manigong Bagong Taong pagbati sa inyong lahat.
Sa taong 2023, patuloy tayong nagpunyagi at sumulong. Sa kabila ng mga pagsubok, natamo natin ang kapansin-pansing tagumpay. Kasabay ng pag-alaa-ala natin sa mga di-madaling karanasan sa buong taon, lipos tayo ng kompiyansa para sa kinabukasan.
Matatag tayong sumulong sa taong 2023.
Maalwang pumasok sa bagong yugto ang pagpigil at pagkontrol sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), sustenableng bumuti ang pambansang kabuhayan, at matatag na sumulong ang de-kalidad na pag-unlad.
Naging mas kompleto ang modernong sistemang industriyal, at mabilis na umahon ang mga makabago at sandigang industriyang may mataas na lebel, matalino, at luntian. Natamo ang mabuting ani ng pagkaing-butil nitong nagdaang 20 taong singkad, mas maganda ang kapaligiran, at lumitaw ang bagong atmospera ng pag-ahon ng kanayunan.
Nalikha ng komprehensibong pag-ahon ng hilagangsilangan ang bagong kabanata, malaking umunlad ang Xiong’an New Area, naging masigla ang Changjiang Economic Belt, at namumukod ang natamong progreso ng Guangdong-Hong Kong-Macao Greater Bay Area.
Sa gitna ng mga kahirapan at hamon, naging mas malakas at matatag ang pag-unlad ng kabuhayang Tsino.
May lakas tayong sumulong sa 2023.
Matapos ang napakalaki at napakahabang pagpupunyagi, lubos na umusbong ang mapanlikhang motiba at kasiglahan ng kaunlaran ng Tsina.
Naging makatotohanan ang unang komersyal na paglipad ng malaking eroplanong C919, natapos ang subok-layag ng malaking cruise ship na gawa ng bansa, lumipad sa kalawakan ang pamilya ng Shenzhou, at natupad ng Fendouzhe Striver Deep-sea Manned Submersible ang kasukdulang pagsisid.
Naging napakapopular ng mga tatak na Tsino, kaya naman mahirap mabili ang mga bagong cellphone na gawa ng Tsina, at tumaas ang bilang ng mga bagong enerhiyang sasakyan, lithium battery, at produktong photovoltaic na bagong tampok ng manupakturang Tsino. Bunga ng di-masukat na pagpupunyagi ng mga mamamayang Tsino, nakikita ang mga makabagong inobasyon sa iba’t-ibang sulok ng bansa.
Tayo’y makulay na sumulong sa 2023.
Sa makulay na Chengdu Universiade at Hangzhou Asian Games, nalikha ng mga atleta ang mabubuting rekord.
Naging napakarami ang mga turista sa panahon ng bakasyon, masigla ang merkado ng pelikula, at unti-unting naging uso ang mababang-karbong pamumuhay.
Ang mainit na atmosperang pampamumuhay at abalang-abalang kalagayan sa proseso ng pagbangon, ay hindi lamang nagpapahiwatig ng aspirasyon ng mga mamamayan sa kagandahan at kaligayahan, kundi naglalarawan din ng isang malakas at masiglang Tsina.
Mapagmalaki tayong sumulong sa 2023.
Ang Tsina ay isang dakilang bansang nagtataglay ng dakilang sibilisasyon.
Ang liwanag ng sibilisasyong nakikita sa Liangzhu at Erlitou, pamanang mga karakter ng Oracle Bones mula Yin Ruins, relikyang pangkultura ng Sanxingdui, at pamanang pangkultura ng China National Archives of Publications and Culture ay pawang mga napakahabang kasaysayan at simbolo ng napakadakilang sibilisasyon, at pundasyon ng ating tiwala sa sarili at bukal ng lakas sa pagsulong sa kinabukasan.
Habang pinau-unlad ang sarili, aktibo rin tayong nakikisangkot sa mga suliranin ng daigdig at isinasabalikat ang mga responsibilidad bilang malaking bansa. Itinaguyod natin ang mahahalagang aktibidad-diplomatiko na gaya ng Summit ng Tsina at Gitnang Asya, Ika-3 Mataas na Porum sa Pandaigdigang Kooperasyon ng Belt and Road, at iba pa, at lumahok sa mga ito ang mga panauhin mula sa iba’t-ibang sulok ng daigdig. Isinagawa din natin ang pagdalaw sa mga bansa, lumahok sa mga pandaigdigang pulong, at nakipagtagpo sa mga matagal na, at bagong kaibigan, para ibahagi ang mga paninindigang Tsino at palalimin ang komong palagay. Paano man magbago ang kalagayan ng daigdig, ang kapayapaan at kaunlaran ay pangunahing tunguhin, at ang win-win na kooperasyon ay ang tamang pagpili.
Karaniwang nangyayari ang mga ligalig sa landas ng pag-abante. Kaya naman, lagi akong nag-aalala sa pagkakaroon ng kahirapan ng mga bahay-kalakal, pagharap sa pagsubok sa hanap-buhay at pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao, at pagkaganap ng mga kalamidad na gaya ng baha, bagyo, at lindol sa iba’t-ibang lugar. Sa kabila nito, ipinagmamalaki kong hindi tayo natatakot sa mga kahirapan, nagtutulungan tayo at napagtagumpayan ang mga hamon. Tulad ng masisipag na magsasaka, masisikap na manggagawa, mapaghangad na mangangalakal, at matatapat na kawal, ibinubuhos ng lahat ng mga tao ang sariling pagsisikap sa kani-kanilang posisyon. Kahit tayo’y karaniwan lamang, ginawa natin ang mga di-pangkaraniwang ambag. Ang pagsisikap natin ay pinakamalaking pinagmumulan ng lakas para mapanaigan ang lahat ng kahirapan at hamon.
Ang susunod na taon ay ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng Republika ng Bayan ng Tsina. Sa bagong taon, matatag nating isusulong ang modernisasyong Tsino, tumpak at komprehensibong ipapatupad ang bagong ideya sa pag-unlad, pabibilisin ang pagbuo ng bagong kayariang pangkaunlaran, igigiit ang de-kalidad na pag-unlad, at isasakatuparan ang kaunlaran at katiwasayan. Sa pamamagitan ng matitibay at proaktibong hakbangin, ipagpapatuloy at palalakasin ng Tsina ang mainam na tunguhin ng pagbangon ng kabuhayan, at isasakatuparan ang maalwang takbo ng kabuhayan sa mahabang panahon. Palalalimin din ng Tsina ang reporma at pagbubukas sa labas, patatatagin ang kompiyansa sa pag-unlad, palalakasin ang bitalidad ng kabuhayan, ilalaan ang mas malaking gugulin sa edukasyon, siyensiya’t teknolohiya, at paghubog ng mga talento.
Isasakatuparan natin ang pangmatagalang kasaganaan at katatagan ng Hong Kong at Macao, sa pamamagitan ng pagpapatingkad ng mga bentahe ng dalawang rehiyon, at i-e-enkorahe natin silang mas malalim na makisangkot sa pangkalahatang pag-unlad ng bansa.
Ang reunipikasyon ng inangbayan ay tunguhin ng kasaysayan. Kailangang magkaisa at magbalikatan ang mga kababayan ng magkabilang pampang ng Taiwan Strait, upang magkasamang maramdaman ang pagmamalaking dulot ng dakilang pag-ahon ng Nasyong Tsino.
Malaki pero simple ang ating hangarin, at ito ang pagsasakatuparan ng mas maligayang pamumuhay ng mga mamamayan. Ang pagbibigay ng mainam na edukasyon sa mga bata, paggagarantiya sa hanap-buhay ng mga magulang, at pagkakaloob ng mabuting serbisyong medikal sa matatanda, ay hindi lamang isyu ng iba’t-ibang pamilya, kundi mahalaga ring tungkulin ng estado. Sa pamamagitan ng magkakasamang pagsisikap, buong husay nating hahawakan ang mga suliraning ito.
Mabilis ngayon ang ritmo ng lipunan, abalang-abala ang mga tao, at malaki ang presyur sa trabaho at pamumuhay. Kaya, dapat likhain ang maharmonyang atmospera ng lipunan, masiglang kapaligirang pang-inobasyon, at maginhawang kondisyon ng pamumuhay, para ang lahat ay magkaroon ng pamumuhay na may kaligayahan, tagumpay, at maabot ang katuparan ng mga pangarap.
Sa kasalukuyan, nagaganap ang sagupaan sa ilang lugar ng daigdig. Kasama ng komunidad ng daigdig, at bilang bansang mapagmamahal sa kapayapaan, handang ipauna ng Tsina ang kinabukasan ng sangkatauhan at biyaya ng mga tao, pasulungin ang pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan, at likhain ang mas magandang mundo.
Sa sandaling ito, sumapit na ang gabi sa Beijing, at nagniningning ang mga ilaw sa mga tahanan. Sana’y magkakasama nating abutin ang mga hangarin para sa kasaganaan at kaunlaran ng ating mga bansa, at kapayapaan at katahimikan ng buong daigdig. Nais kong ipa-abot sa inyong lahat ang pagbati ng isang Manigong Bagong Taon, at sana’y maging mabuti, malusog at masagana ang inyong bawat araw.
Salamat sa inyong lahat!
Salin: Frank / Lito
Pulido: Rhio