Ngayong araw, Marso 13, 2022 ay ika-50 anibersaryo ng pagkansela ng Britanya sa opisyal na organong kinakatawan nito sa Taiwan.
Nilagdaan noong Marso 13, 1972 sa Beijing nina Qiao Guanhua, dating Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, at John Mansfield Addis, Charge d'Affairs ng Britanya sa Tsina, ang “Magkasanib na Komunike ng Tsina at Britanya Tungkol sa Pagpapadala ng Embahador sa Isa’t-isa.” Bunga nito, ipinasiya ng kapuwa panig na itaas ang lebel ng kinatawang diplomatiko ng isa’t-isa mula charge d’affairs sa embahador.
Ayon sa nasabing magkasanib na komunike, kinilala ng pamahalaang Britaniko ang posisyon ng pamahalaang Tsino na ang Taiwan ay isang probinsya ng Republika ng Bayan ng Tsina. Ipinasiya ng Britanya na kanselahin ang opisyal na organong kinatawan nito sa Taiwan, at kinilala nito ang Republika ng Bayan ng Tsina bilang tanging lehitimong pamahalaan ng Tsina.
Noong Marso 30, 1972, isinumite ni John Mansfield Addis, unang Embahador ng Britanya sa Tsina, ang credentials kay Dong Biwu, umaaktong Pangulo ng Tsina sa panahong iyon. Isinumite naman noong Hulyo 1972 ni Song Zhiguang, unang Embahador ng Tsina sa Britanya, ang credentials sa Reyna ng Britanya.
Ang pagpapataas ng lebel ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Britanya mula charge d’affairs sa embahador, ay nakapaglatag ng kondisyon para sa pagdadalawan ng mga lider ng dalawang bansa.
Noong Oktubre 1972, dumalaw si Alec Douglas-Home, dating Ministrong Panlabas ng Britanya, sa Tsina.
Ito ang kauna-unahang pagdalaw ng Ministrong Panlabas ng Britanya sa Tsina.
Noong Hunyo, 1973, bumisita si Ji Pengfei, dating Ministrong Panlabas ng Tsina, kay dating Punong Ministro Edward Heath ng Britanya sa 10 Downing Street sa London.
Noong 1973, bumisita naman sa Britanya si Ji Pengfei, dating Ministrong Panlabas ng Tsina, na nagsakatuparan ng historikal na pagdadalawan ng mga ministrong panlabas ng kapuwa bansa.
Ang pagbuti ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Britanya ay hindi lamang may kaugnayan sa kapakanan ng dalawang bansa, kundi nakapagpasulong din sa proseso ng pagbabago ng kayariang pandaigdig mula bipolar na mundo tungo sa multipolar na mundo.
Salin: Lito
Pulido: Rhio