Ipinahayag kahapon ni Anatory Kucherena, bantog na abugadong Ruso, na hanggang sa ngayon, hindi pa ipinagkaloob ng Federal Migration ng Rusya ang may-kinalamang pagkakakilanlan kay Edward Snowden, tagapagbunyag sa "PRISM" project ng Estados Unidos. Dahil dito, hindi pa aniya puwedeng lisanin ni Snowden ang transit area ng Moscow Sheremetyevo International Airport. Si Kucherena ngayon ang nagkakaloob ng tulong pambatas kay Snowden.
Pagkaraang ilabas kahapon ng Rusya ang di-parehong impormasyon tungkol kay Snowden, hiniling nang araw ring iyon ng Amerika sa panig Ruso na ipaliwanag ang hinggil dito. Inulit ni Jay Carney, Tagapagsalita ng White House, ang paninindigan ng panig Amerikano. Aniya, mayroong "sapat na paunang halimbawa at tumpak na katuwirang pambatas" upang ilipat ng Rusya si Snowden sa Estados Unidos para litisin.
Salin: Li Feng